PUWEDE nang iturok sa mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 ang Moderna COVID-19 vaccine ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ito ang binigay ng update ng FDA patungkol sa aplikasyon ng Moderna COVID-19 vaccine sa bansa para sa EUA amendment nito.
Maaari nang iturok ang Moderna COVID-19 vaccine sa mga kabataan na may edad 12 hanggang 17.
Kinumpirma naman ito ni FDA Director General Eric Domingo sa laging handa public briefing.
Ibinahagi ni Domingo na nitong dalawang linggong nakalipas, nag-apply ang Moderna ng Emergency Use Authorization (EUA) amendment para mapasama ang mga 12 hanggang 17 years old sa matuturukan ng nasabing bakuna.
Pagkatapos ng masusing ebalwasyon, ani Domingo, ay inaprubahan ng ahensya ang pag-amyenda sa EUA ng naturang coronavirus vaccine.
“And after a thorough evaluation by our Vaccine Experts and our regulatory experts po sa FDA, in-approve na po namin ngayong araw na ito ang paggamit under Emergency Use Authorization ng Moderna vaccine for adolescents ages 12-17,” pahayag ni Domingo.
Gayunpaman, inihayag ng FDA na nasa Department of Health (DOH) pa rin ang pagpapasya pagdating sa prioritization ng babakunahan pati na ang usapin kung kailan uumpisahan ang vaccination sa mga below 18 years old.
“Pero, iyon pong pagpa-prioritized kung sino po ang babakunahan at kung anong age group ay sa Department of Health po iyon at saka sa Task Force ng vaccination. So, kapag na-decide na po nila na aabot na tayo doon sa prioritization na aabot na po sa less than 18, iyong 12 to 17 doon po magbabakuna na ng mga bata,” ani Domingo.
Naunang nang inaprubahan ng FDA ang paggamit ng Pfizer COVID-19 vaccine sa mga edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Payagan nang mabakunahan vs COVID-19 ang mga kabataang may edad 12-17
Samantala, sa isang social media post, pinasalamatan naman ni Senator Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri ang FDA dahil sa agarang pag-aksyon sa pagbibigay ng Emergency Use Approval para sa bakunang Moderna.
“I want to thank FDA Chief Eric Domingo for their quick action in giving emergency use approval for the Moderna vaccine on kids aged 12 to 17,” ayon sa senador.
Kaugnay nito, umapela ang senador sa Inter Agency Task Force na payagan na ang mga kabataang may edad 12 hanggag 17 na mabakunahan na.
“My appeal now is for the IATF to allow our Children ages 12-17 to get vaccinated. As a Parent and for all the Parents in our country, we hope they will heed our request,” ayon kay Zubiri.
Ani Zubiri, bilang isang ama, ikinatuwa niya ang Moderna vaccine approval dahil makatutulong ito na mapalakas ang proteksyon para sa mga kabataan mula sa banta ng virus.
Sambit ng senador, nakababahala na marami na ring mga kabataan ang natatamaan ng coronavirus.
“It’s been so terrifying, seeing the newer strains of the virus striking more and more children, so this approval is fantastic news,” ani Zubiri.
Mababatid na kabilang sa kasalukuyang nasa priority list ng pamahalaan sa pagbabakuna ang health workers, senior citizens, person with comorbidity, essential workers, at ang indigent population.
Matatandaan na inihayag din ng DOH na bagama’t aprubado na ng FDA ang pagbabakuna sa below 18 years old gamit ang ilang brand ng COVID shots, hindi pa rin agad mabibigyan ng bakuna ang naturang ‘age group’ dahil sa hindi pa sila prayoridad ng gobyerno sa ngayon.
Nagkaisa rin, ayon sa DOH ang mga vaccine expert na balikan na lamang ang pagpapabakuna sa mga kabataan kapag naging normal na ang dating ng COVID-19 vaccines sa bansa at stable na ang produksyon nito sa buong mundo.
BASAHIN: Higit 3-M dosis ng Moderna vaccines na dumating sa bansa, ilalaan para sa mga mahihirap —Duterte