NANGAKO si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na sa kanyang panunungkulan bibigyan niyang prayoridad ang iba’t ibang Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) facility sa bansa.
Ayon kay Abalos, sisikapin nilang ayusin at gawing bago ang mga pasilidad ng mga person deprive of liberty (PDL) na kasalukuyang congested na dahil sa dami ng bilang.
Inihalimbawa ng kalihim ang sitwasyon sa BJMP San Mateo na kung saan siksikan, by scheduled ang pagtulog dahil sa maliit na espasyo at kapag naman umuulan ay kinakailangan pang ilipat ang mga preso.
Dahil dito, pinaplano na ng DILG at BJMP ang gagawing hakbang upang mabigyan ng komportable at maayos na buhay ang mga PDL bagamat nasa loob ito ng kulungan.
Sinabi pa ni Abalos, hindi ito kakayanin kung ang pamahalaan lang ang gagawa, kung kaya’t palalakasin din nila ang public private partnership upang mabilis na maisakatuparan ang mga plano na magpapaganda sa pasilidad ng mga BJMP.
Aniya, marami-rami na itong natanggap na balita na nais tumulong sa pamahalaan mula sa mga pribadong sektor.
Sa katunayan, sinimulan na ng DILG at BJMP ang pagpapaigting sa modernisasyon sa mga BJMP sa pamamagitan ng mga bagong kagamitan.
Ngayong Lunes, pinangunahan ni Sec. Abalos at BJMP chief jail director Allan Iral ang ceremonial blessings na ginanap sa bagong Quezon City Jail sa Payatas.
Kung saan, umabot sa P110.6 milyon ang inilaang pondo para sa pagbili ng 2,541 units ng 9mm pistols, 688 laptops at 14 BJMP transport vehicles.
Sa katunayan, isang bagong jail facility ang inaasahang bubuksan bago matapos ang 2022, ito ay matatagpuan sa New Quezon City Jail, Payatas sa QC.
Kung saan, tinatayang nasa higit 4,000 preso ang kapasidad nito.
Ani Iral, tinutukoy na ang mga kulungan sa bansa na kailangang bigyang prayoridad lalo na sa mga congested na pasilidad.
Samantala, dagdag naman ni Sec. Abalos na hindi lamang BJMP ang pagtutuunan ng pansin maging ang Bureau of Fire at iba pang sangay na ahensya ng DILG.
Sa mga susunod na araw ay dadalo sa budget hearing sa Kamara si Sec. Abalos, umaasa naman sila na mabibigyan ng sapat na pondo ang ahensiya para sa pagpapaigting ng modernisasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan.