Modular hospital sa Quezon Institute, operational na

OPERATIONAL na simula Abril 6 ang modular hospital sa Quezon Institute ayon mismo kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar.

 “Ito po ay isang 110 room facility na pang-critical cases of COVID. So, upgraded version ng mga quarantine facilities. Meron siyang high-ceiling. Meron siyang sariling oxygen supply para sa mga bed-room units,” pahayag ni Villar.

Bukod pa rito, inihayag ni Villar na meron itong mga features katulad ng nurse-call button, CCTV monitoring, dressing area para sa mga nurse.

 “At kasama po sa mga modular hospital ang living quarters ng ating mga frontliners. So, in total, with 110 rooms ang hospital at may 64 units po ang facilities para sa ating mga frontliners,” dagdag ni Villar.

Kabilang na rito ang cooking area at laundry area para sa mga magtatrabaho sa ospital.

Iba pang mga isolation center at modular hospital, bubuksan ngayong linggo

Samantala, magbubukas ngayon linggo ang ilan sa mga isolation at modular hospital para sa mga COVID-19 patient.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa regular press briefing ng Malacañang.

 “Subic Manila Times Colleges na mayroong 300 bed capacity, New Clark City na may additional 165 beds, Eva Macapagal Terminal Manila na mayroong 200 beds at Orion Bataan Port Terminal na mayroong 100 beds,” ayon kay Roque.

Bukod pa rito, kinumpirma rin ni Presidential spokesperson na operational na ang modular hospital sa Quezon Institute.

Ito ay mayroong 110 rooms para sa mga COVID-19 patients na kailangan ng hospitalization.

(BASAHIN: Isolation at quarantine measures ng LGUs, mas paigtingin pa)

Target ngayon ng DPWH na magtayo ng karagdagan modular hospital facilities sa Metro Manila.

Ito upang matugunan ang tumataas na occupancy rate sa mga ospital sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng covid-19.

Ani Villar, plano nitong makapagtayo ng karagdagang 3,000 hanggang 4,000 karagdagang bed capacity sa susunod na buwan.

Umaasa aniya silang makatutulong ang pagkakaroon ng karagdagang pasilidad upang maibalik sa normal level o mas mababa sa 60% ang bed occupancy level sa Metro Manila.

Layong itayo ang mga modular facilities sa loob ng hospital premises ng ibat ibang pagamutan sa Metro Manila alinsunod na rin sa hiling ng mga health workers.

SMNI NEWS