MALAKI ang pasasalamat ng Philippine National Police (PNP) sa mga sibilyan na nagbigay ng impormasyon at tulong sa kanila upang mahuli ang mga kriminal na nagtatago sa batas.
Noon pa man ay aminado ang PNP na upang mapabilis ang pagkamit ng hustisya at mapabilis ang paghahanap ng mga nagtatago sa batas ay kailangan nila ang tulong ng mamamayan.
Kaya naman laking pasasalamat ng PNP dahil sa kooperasyon ng mga sibilyan para tumulong sa kanilang mga layunin lalo na sa pagkamit ng peace and order sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad kung saan nagtatago ang mga kriminal.
Dahil dito ay inabot ng PNP sa 11 informants nito ang mahigit 1 milyong pisong halaga ng monetary reward.
Bawat isang informant ay nakatanggap ng mahigit 100 libong piso depende sa bigat ng kaso ng wanted person na kanilang itinuro sa mga awtoridad.
Kasong murder, kidnapping with serious illegal detention, carnapping with homicide at rape ang mga kasong kinasasangkutan ng nahuling wanted persons dahil sa sumbong ng mga sibilyan na informants.
Ayon kay PMGen. Benjamin Acorda, Jr. Director for Intelligence ng PNP malaking tulong para sa mga awtoridad na mayroong mga sibilyan na umaagapay sa kanila sa pagtugis ng mga nagtatago sa batas.
Hinikayat din ng opisyal ang bawat Pilipino na huwag matakot na isumbong sa kapulisan ang mga kriminal upang matulungan ang ating bayan na makamit ang peace and order.
Aniya kung naipatutupad ang peace and order sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mamamayan ay nakakahikayat ito ng investors.