INIHAYAG ng World Health Organization (WHO) Chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na muling magpupulong ang kanilang mga eksperto sa monkeypox para suriin ang paglala ng kaso nito sa mundo.
Sa ngayon ay mayroon nang anim na libong kaso ng monkeypox sa 58 na bansa sa mundo.
Matatandaan na unang naiulat ang surge sa monkeypox noong Mayo sa mga bansa sa West at Central Africa.
Ang Europa ay ang kasalukuyang epicenter ng monkeypox outbreak.
Ayon kay Ghebreyesus, pahirapan pa rin ang testing sa monkeypox kaya malaki raw ang probability na marami pang kaso nito ang hindi naitatala.
Aniya nangangamba ito sa pagkalat ng virus.
“I continue to be concerned by the scale and spread of the virus. Testing remains a challenge and its highly probable that there are significant number of cases not being pick up,” pahayag ni Ghebreyesus.
Matatandaan na noong Hunyo 23 nauna nang nagkaroon ng pagpupulong ang mga WHO hinggil sa monkeypox kung ito ay isa nang public health emergency pero majority sa mga ito ang hindi pa kumbinsido dahil hindi pa raw ito pasok sa threshold.
Ayon kay Ghebreyesus, muli niyang pupulungin ang mga ito sa Hulyo 18 para sa mga update sa evolution ng monkeypox outbreak.
Dito sa Pilipinas, wala pang naiulat ang DOH na kaso ng monkeypox sa kanilang ginagawang contact tracing.
Kabilang sa sintomas ng monkeypox ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan at likod, namamagang kulane, panginginig, at pagkapagod.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Amerika, ang incubation period ng monkeypox ay madalas na umaabot ng 7-14 na araw, o 5-21 na araw.