‘Monster ship’ ng China na nasa EEZ ng Pilipinas, walang ginagawang pagharang o anumang dangerous maneuvers—NSC

‘Monster ship’ ng China na nasa EEZ ng Pilipinas, walang ginagawang pagharang o anumang dangerous maneuvers—NSC

NASA loob pa rin ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901 na binansagang ‘monster ship’ na unang naispatang naglalayag malapit sa Zambales noong Sabado, Enero 4.

Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, hindi nila ito pinapabayaan lang. Sa katunayan, patuloy na minamanmanan at sinusundan ang naturang Chinese vessel malapit sa bahagi ng Luzon.

Sa ngayon, nandoon pa rin ang BRP Cabra na siyang nagbabantay o sinusundan ang 5901 sa anumang galaw nito.

Naroon din ang aircraft ng Pilipinas at iba pang assets mula sa Northern Luzon Command at National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS).

Tuluy-tuloy naman ang ginagawang radio challenge ng Pilipinas at sinisigurong walang ginagawang masama ang nasabing monster ship sa loob ng EEZ ng bansa.

Sinabi ni Malaya na ang presensya ng monster ship na ito ay maituturing na parte ng intimidation, aggression, coercion, deception na ginagawa ng China.

Bilang tugon, paiigtingin pa aniya ng Pilipinas ang presensya ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa lugar.

Tiniyak naman ng NSC ang patuloy na suporta ng PCG at BFAR sa mga mangingisda.

Sa kabila nito, inihayag ni ADG Malaya na wala namang ginagawang mga pagharang o anumang dangerous maneuvers ang naturang Chinese vessel, bagkus, ito’y tumatakbo lamang.

Ibinahagi ni Malaya na ang lubos na naaapektuhan sa mga ganitong pangyayari ay ang mga mangingisda.

Kaya naman ang NSC, nagsasagawa ng fishermen’s congress sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Palawan at Zambales.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter