Moratorium sa pagpapatupad ng kautusang nagbabawal sa pagbebenta ng pink salmon at pompano, kinokonsidera ng DA

Moratorium sa pagpapatupad ng kautusang nagbabawal sa pagbebenta ng pink salmon at pompano, kinokonsidera ng DA

KINOKONSIDERA ng Department of Agriculture (DA) ang moratorium sa pagpapatupad ng kautusang nagbabawal sa pagbebenta ng pink salmon at pompano.

Kamakailan lang nang maghigpit ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa implementasyon ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 195.

Gamit ang kautusan, sinuyod ng BFAR ang mga palengke sa National Capital Region para bigyang-alam na iligal ang kanilang pagtitinda ng mga imported pink salmon, pompano at pusit kalawang.

Marami ang umangal hindi lamang ang mga ordinaryong Pilipino kundi maging ang mga opisyal ng gobyerno.

Kaya naman, nais na masolusyunan ng Department of Agriculture (DA) ang problema ukol dito.

Ayon kay DA Deputy spokesperson Rex Estoperez, kinukonsidera na ng ahensya ang pansamantalang paglalagay ng moratorium sa pagkumpiska ng BFAR ng hindi awtorisadong imported na isda.

Gaya ng pink salmon, pompano at pusit sa mga palengke, supermarket, at online store.

“We are considering the moratorium on the implementation of this crackdown. While, walang date pa and will be confirming that tomorrow morning or this evening. Kasi kapag natapos yung, mag-usap ang mga stakeholders. Moratorium because, 1st we have to review what is this FAO 195 even though nakapaloob ito sa Fisheries Code na kailangan nating ipagbawal yan because ano natin yung mga industrial users, kung may smuggled or diversion. Yun lang ang tinitingnan natin pero yun nga we need to revisit again the FAO 195 and other regulatory pronouncement baka hindi naaayon sa panahon ito dahil 1999 pa,” ayon kay Rex Estoperez, Deputy Spokesperson, DA

Nilinaw ni Estoperez, pag-aralan muli ng DA ang naturang polisiya at titingnan kung nasa timing ba ang pangungumpiska ng ilang uri ng imported isda at pusit kalawang sa mga palengke.

Mababatid na pinaiimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang BFAR kung bakit ngayon lang naghigpit sa pagpapatupad ng FAO 195.

Inaasahan na bukas ng alas-9 ng umaga ay ilalabas na ng Department of Agriculture ang pinal na desisyon sa kung itutuloy ba ang paglalagay ng moratorium sa implementasyon ng FAO 195.

Follow SMNI NEWS in Twitter