LIBU-LIBONG ektarya na ang sinira ng wildfire na Mosquito Fire sa California.
Ito ang tinatayang pinakamalaking wildfire sa ngayon na nagdudulot ng mahinang kalidad ng hangin hindi lamang sa California, maging sa mga karatig estado nito.
Mabilis ang pagkalat ng apoy na dala ng Mosquito Fire na sumira na sa mahigit sa 15 libong ektarya ng lupain simula noong Lunes habang 20% naman ang na-contain o naapula ng mga otoridad ayon sa Cal Fire.
Mas malaki ito ngayon sa Mckinney Fire bilang pinakamalaking wildfire sa estado ngayong taon.
Ayon sa California Department of Forestry and Fire Protection, sinunog ng Mosquito Fire ang halos 64,000 na mga ektarya at tinupok ang 70 istruktura sa mga county ng El Dorado at Placer mula nang magsimula ito noong Setyembre 6.
Sa mga istrukturang nawasak, hindi bababa sa 25 ang nasirang mga single-occupancy residences.
Kung pagsasama-samahin ang mga kaliwa’t kanang wildfire sa Westcoast ng US, ang matinding usok ay nagdudulot ng masamang kalidad ng hangin hanggang sa silangang bahagi ng bansa tulad ng Montana, Oregon, Wyoming, maging sa estado ng South Dakota at inaasahang magpapatuloy sa paglalakbay ang masamang hangin patungo sa East Coast.
Inaasahan din na ang mga lungsod tulad ng Chicago at New York City ay makararanas ng masamang kalidad ng hangin sa mga darating na araw dahil sa wildfire.
Hindi ito ang unang beses na naglakbay ang mga usok mula sa wildfire sa milya-milyang layo.
Noong mga nakaraang buwan, ang masamang usok galing sa mga sunog ay naglakbay patungo sa syudad ng Denver at mga bulubundukin ng Central Coasts.