NAKAHANDA na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa pagbubukas ng Motorcycle Riding Academy sa susunod na linggo.
Nakatakda itong buksan sa Setyembre 27.
Ayon kay MMDA acting Chairman Romando Artes, sapat na ang bilang ng mga motorsiklong gagamitin para sa nasabing pasilidad.
“Mayroon na po tayong sufficient number ng motorsiklo to cater ‘yung 50 enrollees na tuturuan ng mga skills training every day,” saad ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Dagdag pa ni Atty. Artes, naayos na rin ang guidelines para sa mga nais magparehistro sa Motorcycle Riding Academy.
“Naayos na rin po namin ang guidelines sa pagpaparehistro. Iyan ay ipo-post namin sa ating social media pages kung papaano makakapag-register ‘yung ating mga kababayan para mag-enroll sa Motorcycle Riding Academy,” dagdag ni Atty. Artes.
Sen. Go, nag-donate ng 10 motorsiklo para sa MMDA Riding Academy
Samantala, 10 bagong unit ng motorsiklo ang ibinigay ni Sen. Christopher “Bong” Go para sa Motorcycle Riding Academy.
Pagbabahagi ni Sen. Go na batay sa 2018 Global Status Report on Road Safety ng World Health Organization, pang-11 ang Pilipinas sa 175 bansa na may pinakamaraming nasawi dahil sa mga motorcycle accident.
Kaya aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng MMDA Motorcycle Riding Academy.
“Malaking bagay ito na maturuan natin ang ating mga kababayan ng road safety. Importante rito, itong mga motorsiklong ito ay gagamitin sa pagtuturo sa mga mamamayang Pilipino na gusto mag-aral nang tama. Ang importante rito disiplina ng bawat isa,” pahayag ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go, Republic of the Philippines.
Magugunitang si Go kasama ang dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay kapwa riders kung saan gawain na nilang mag-motor marating lang ang mga lugar nang mabilisan.
Si Go na miyembro din ng Senate Committee on Public Services ay kadalasang nakikitang naka-motor kapag bumibisita at hinahatiran ng tulong ang mga biktima ng sunog.
Defensive driving, ipinaalala ni Sen. Go sa mga motorcycle rider
May paalala naman si Sen. Go sa kaniyang mga kapwa motorcycle rider.
“Defensive driving always. At parati po nating ilagay sa ating isipan ang road safety. Dalawang gulong lang po ito. Delikado no. Tandaan natin mayroon tayong pamilya, mayroon tayong mga anak na sinusuportahan, inuuwian. Sabi ko kanina, isang beses lang tayo dadaan sa mundong ito. Pangalagaan natin ang buhay at kalusugan ng bawat isa,” ayon ani Sen. Go.