WALA uli’t si Leah Cruz o ang tinaguriang ‘Mrs. Sibuyas’ sa motu proprio investigation ng House Committee on Agriculture and Food sa isyu ng onion cartel.
Naka-confine sa ospital si Cruz ayon sa abogado nito na si Atty. Kenneth Brian Tegio.
Duda naman si Committee Chairman Mark Enverga sa rason ni Cruz lalo na’t wala rin ito sa nakaraang pagdinig ng komite.
Para masuri kung totoo ba ang rason ni Cruz, inatasan ng komite ang physician ng Kamara para dalawin si Cruz sa Metropolitan Medical Center sa Sta. Cruz Maynila.
Bukod kay Cruz, absent rin sa hearing ang representative ng traders at cold storage na pinapadalo at makasasagot sa mga tanong sa pagdinig.
Nauna nang binantaan ni Speaker Martin Romualdez na ipakukulong ng Kamara ang mga resource person sa hearing na hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon.