NILINAW ng MRT-3 management na walang nagaganap na lockdown sa kanilang istasyon kundi isinailalim lamang ang depot nito sa ‘Enhanced Access Control’ matapos magpositibo ang mahigit apatnapung tauhan nito.
Sa isang social media post, sinabi ng pamunuan ng MRT line 3 na sa nakaraang linggo pa nang isinailalim sa ‘Enhanced Access Control’ ang kanilang depot.
Ito’y matapos umabot sa 33 empleyado ang nahawaan ng COVID-19 noong January 20.
Mula sa MRT-3 depot office ang unang emplayado na naimpeksyon at nagkaroon ito ng face-to-face meeting sa iba pang staff.
Nakapagtala naman ng iba pang tatlong kaso kahapon kasunod ng patuloy na mass swab testing ng MRT-3 management.
May naitala ring anim na ibang pang naimpeksyon mula sa Maintenance Service Provider ng MRT-3 na Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.
Sa kabuuan 42 emplayado na ang nagpositibo sa COVID-19 at isa dito ay binawian na ng buhay ayon sa DOTr.
“It is also with great sadness that we confirm that one of our fellow public servants in the MRT-3 Depot who got infected by COVID-19 passed away earlier this week,” pahayag ng ahensiya.
Kasalukuyan namang naka-quarantine ang lahat ng mga nagpositibo sa virus habang patuloy na isinasagawa ang contact tracing.
Simula rin sa nakaraang linggo ay naka-work from home arrangement ang mga personnel ng MRT-3 depot at limitado lamang sa mga essential office personnel ang pumapasok ng personal sa layong maiwasan ang hawaan ng virus.
“Beginning last week, DOTr-MRT3 Office Personnel at the MRT-3 Depot shifted to a work from home arrangement, with only a limited number of essential Office Personnel reporting physically at the MRT-3 Depot, and only after obtaining a negative RT-PCR swab test result,” ayon sa ahensiya.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na may naiulat na outbreak sa MRT-3.
July 2020 ng makapagtala ng dalawang daan at dalawa ang train at depot personnel na nagpositibo sa coronavirus.
Sa kabila nito, saad ng MRT-3 management patuloy ang operasyon ng railway.
Pagtitiyak rin ng ahensiya, ligtas bumiyahe ang publiko dito at ang lahat ng personnel sa kanilang istasyon ay nagnegatibo sa COVID-19.
Paalala naman ng management sa mga biyahero na higit ring magiging ligtas ang lahat kung patuloy na masunod ang mga saftey at health protocols.