IAAKYAT na sa 100% ang passenger capacity ng mga tren ng MRT-3 simula bukas, Marso 1.
Ito ay kasabay ng pagbaba ng alert level status sa Metro Manila mula sa Alert Level 2 patungong Alert Level 1.
Ayon sa pamunuan ng MRT, aabot sa 394 na pasahero ang kada bagon o 1, 182 na pasahero naman sa kada train set.
Ang pagtaas ng kapasidad ng mga tren ay bilang tugon sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pampublikong transportasyon sa muling pagbubukas ng maraming establisimyento sa Kalakhang Maynila.
Samantala, mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum public health standards sa buong linya ng MRT-3, kabilang ang pagbabawal sa pagsasalita, pagkain, pag-inom, at pagsagot sa telepono sa loob ng mga tren.
Kinakailangan ding magsuot ng facemask samantalang boluntaryo ang pagsuot ng face shield.
Upang matiyak ang kaayusan at implementasyon ng minimum public health standards sa buong linya, patuloy na magtatalaga ng mga train at platform marshals ang pamunuan ng MRT-3 sa mga tren at istasyon nito.