NAMAHAGI ng regalo ang pamunuan ng MRT-3 para sa mga nanay na pasahero ngayong Mother’s Day, May 12.
Namigay ng tote bags na may disenyong “Happy Mother’s Day” ang linya sa mga nanay na pasahero sa mga istasyon ng linya.
“Pagpupugay para sa ating mga mama, nanay, lola, tita, at maging sa mga tatay na tumatayong ilaw ng tahanan. Sa munting regalo po ng MRT-3, nais nating iparamdam ang paghanga, pasasalamat, at pagsuporta sa kanila sa kanilang hindi mapapantayang mga sakripisyo araw-araw. Saludo po ang MRT-3 sa lakas, tibay, tapang, at puso ng bawat ina,” saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways at Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Ngiti, kilig, at pasasalamat naman ang tugon ng mga nanay sa munting regalo ng MRT-3.
“Malaking pasasalamat po sa regalo ng MRT-3 para sa aming mga nanay,” bahagi ng caregiver na si Mae Bacungol.
“Masaya po ako kasi binigyan po ng souvenir at proud ako na nabigyan ng ganitong regalo,” saad naman ng inang si Chellden Macasero.
Mayroon ding dinisenyuhang photo wall ang MRT-3 sa Ayala Station para sa Mother’s Day.