SA kabila ng pansamantalang tigil-operasyon ng MRT-3 sa Semana Santa ay mananatili pa ring accessible ang MRT-3 stations na malapit sa pick-up at drop-off points ng EDSA Bus Carousel.
Kabilang dito ang North Avenue Station, Quezon Avenue Station, Santolan Station, Ortigas Station, Guadalupe Station, at Buendia Station.
Pansamantala namang sarado ang MRT-3 mula Abril 6 – 9, upang magbigay-daan sa taunang maintenance activities ng rail line.
Magbabalik naman ang regular na operasyon ng MRT-3 sa Abril 10.
Maliban sa MRT, magpapatupad din ng apat na araw na tigil-operasyon ang Light Rail Transit 2 (LRT-2) simula April 6 – 9 upang bigyang-daan ang kanilang Holy Week maintenance.
Ang magiging huling biyahe ng train ng LRT 2 ay sa April 5, Miyerkules hanggang 7 pm at magbabalik ang regular na operasyon nito sa Abril 10.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga komyuter na gumamit ng alternatibong mga transportasyon, gaya ng EDSA Bus Carousel.