ITINAAS ng Small Business Corporation (SB Corp.) ang kanilang handog na loan amount para sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa ilalim ng 13th Month Pay Loan Facility Program.
Ang Small Business Corporation ay isang government financial institution na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) bilang attached agency.
Mandato ng naturang opisina ang mag-develop at magpatupad ng programa kagaya ng mga financing programs para sa ikauunlad ng MSMEs.
Ayon kay SB Corporation Spokesperson Ryan Lazo, mula sa P12,000 ay itinaas nila sa P15,000 kada empleyado ang loan amount o maaaring mahiram ng MSMEs para sa kanilang 13th month pay.
Paliwanag ni Lazo, ito ay naging resulta ng pag-aaral ng kanilang innovations team sa prevailing daily wage ng mga manggagawa sa buong bansa.
Bukod dito, kinonsidera din ng SB Corporation ang pagtaas ng mga bilihin kaya nagkaroon ng increased loanable amount na P15,000 bawat empleyado.
Idinagdag pa ni Lazo na maliban pa sa itinaas na loan amount para sa MSMEs, nananatili ring interest-free at collateral-free ang pautang na ito ng SB Corporation.
Samantala, ipinabatid din ni Lazo na na-implementa na rin nila ang 13th Month Pay Loan Facility Program noong isang taon at nagkaroon lamang ng relaunching ng programa.
Kabilang pa rin ito sa government efforts para matulungan ang MSMEs upang makaagapay sa epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang objective ng 13th Month Pay Loan Facility Program ay i-replenish o punan ang pondong nagastos na ng mga MSME para sa kanilang obligasyong bayaran ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.