Mt. Kanlaon nagbuga ng maitim na abo; Dark ash, may epekto sa kalusugan—PHIVOLCS

Mt. Kanlaon nagbuga ng maitim na abo; Dark ash, may epekto sa kalusugan—PHIVOLCS

NAGBUGA ng maitim na abo ang Bulkang Kanlaon bandang 11:45 AM, araw ng Lunes.

Iniulat pa ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Doctor Teresito Bacolcol na nitong pasado alas dose, patuloy pa rin ang pagbuga ng volcanic plume na umabot ng 1,200 meters mula sa bunganga ng bulkan.

Matatandaang isang pagsabog ang naganap sa Kanlaon Volcano noong Disyembre 9, na gumawa ng isang voluminous plume na mabilis na tumaas sa 4,000 metro.

Naitala rito ang ashfall at bumaba ang pyroclastic density currents (PDCs) sa mga dalisdis ng bulkan.

“Well, kung titingnan natin iyong activity ng Kanlaon Volcano prior to December 9 eruption, mayroon po tayong maraming ash emission. And pagkakaroon ng dark ash emission ay maaaring dulot ng gas-driven explosion sa bunganga ng bulkan na nag-aangat ng mga materyal tulad ng abo o bato,” pahayag ni Dr. Teresito Bacolcol, Director, PHIVOLCS.

Dagdag ni Bacolcol, may epekto ang dark ash sa kalusugan ng isang tao, aniya, kapag nalanghap ito ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, ilong, at lalamunan.

Iyong may mga respiratory condition naman tulad ng asthma ay maaaring magpalala sa kanilang sintomas.

“Iyong volcanic ash po ay binubuo ng maliliit na pira-pirasong bato, mineral at saka volcanic gases.”

“Kaya’t mahalaga pong magsuot ng facemask, tulad ng N95 and better if they stay inside their houses. Again, kung wala naman kayong N95, they can purchase surgical mask. At kung wala talaga, they can use a wet towel at iyon ang puwede nilang gamitin panakip sa ilong at saka sa bunganga,” ani Bacolcol.

Samantala, inaasahan naman na magkakaroon ng ashfall sa mga komunidad ng Negros Occidental, mula hilaga-kanlurang bahagi hanggang kanlurang bahagi ng bulkan dahil sa patuloy pa rin na paglalabas ng abo.

Sa kasalukuyan, nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Kanlaon Volcano, ibig sabihin, may mataas na posibilidad na magkaroon ng biglaan at malakas na pagsabog na maaaring magdulot ng panganib sa mga komunidad.

Magdadala kasi itong banta ng pyroclastic density currents (PDCs), ballistic projectiles, ashfall, lava flows, rockfalls, at iba pang mapanganib na aktibidad.

Dagdag ng PHIVOLCS, nakapagtala rin ito ng 15 volcanic earthquakes sa loob ng 24 oras.

Naglabas din ang Mt. Kanlaon ng mahigit pitong libong (7,198) tonelada ng sulfur dioxide noong araw ng Linggo.

Nagpaalala naman si Director Bacolcol sa mga residenteng nakatira sa paligid ng Kanlaon Volcano na manatiling nakaaalerto, mapagmatyag at sundin ang abiso ng PHIVOLCS at ng kanilang mga lokal na pamahalaan.

Nag-abiso rin ang PHIVOLCS na huwag pumunta sa loob ng six-kilometer danger zone dahil sa panganib ng biglaang pagputok o pagbagsak ng mga bato mula sa dalisdis ng bulkan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble