NGAYONG araw ay muling nag-ikot ang Department of Trade and Industry (DTI) para silipin ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin at paghahanda muli ng pagbubukas ng mga sinehan sa ilang malls sa Pasig City.
Ayon kay Undersecretry Ruth Castelo ng DTI -Consumer Protection Group, nasa 300,000 katao ang mga naapektuhan simula isinara ang mga sinehan sa bansa dulot ng pandemya.
Dahil dito, pinayagan na muli ng DTI at ng National Economic and Development Authority o NEDA na payagan ang muling pagbubukas ng mga sinehan upang may mapagkukunan ng pagkakakitaan at kabuhayan ang daan -daang libo katao.
Matatandaan na isinara ang operasyon ng mga sinehan sa bansa simula ipinatupad ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Giit ni Castelo saan kukunan ng pagkakakitaan ang nasa 300,000 katao na nawalan ng trabaho sa cinemas gayung karamihan sa mga ito ay may mga pamilya na.
Sa pag-iikot ng mga opisyal sa ilang malls sa Pasig City ay nakahanda na ang mga cinemas operator na ipatupad ang health and safety protocols pati na rin ang 2 – seats apart sakaling may go signal na ang mga ito mag-operate.
Hindi rin papayagan na kumain sa loob ng sinehan upang tiyakin na nasusuot pa rin ang face mask habang nasa loob ng lugar.
Samantala, sa pag-iikot naman ng mga opisyal ng DTI para sa special monitoring ng mga presyo ng basic commodities at prime commodities sa ilang malls ay nasusunod pa rin ang mga ceiling price na itinakda ng pamahalaan.
Nanindigan si Castelo na hindi pa rin nagbabago ang suggested retail price ng mga basic necessities at prime commodities na tinakda ng DTI simula pa noong September 2019.
Ayon din kay Castelo sa itinakdang price ceiling sa ilalim ng EO 124, ang karneng baboy na may presyo na P270 at 300 at manok na P160 local man o imported ay pareho lamang na nasa ilalim ng EO 124.
Samantala, umaasa naman ang DTI na makukumbinse rin ang mga owner na mapapababa pa ang mga presyo ng mga bilihin sa supermarket.