DINEPENSAHAN ng Palasyo ng Malacañang ang Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa nararanasang pagdami ng kaso ng COVID-19.
Giit ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi kasalanan ng IATF na nag-mutate ang virus sa pamamaraang mas nakahahawa at mas mabilis itong kumakalat.
Malinaw aniya na ang bagong variant ng COVID-19 ang pangunahing dahilan kung bakit dumarami muli ang kaso nito.
Pagbibigay-diin pa nito, lahat ng desisyon ng IATF sa nakalipas na isang taon na pagharap sa pandemya ay kanilang ibinabase sa siyensa at hindi basta haka-haka lamang.
Kinontra din ng kalihim ang panawagan ng ilan na buwagin na ang task force dahil umano sa incompetence nito sa pagtugon sa health crisis.
Naniniwala si Roque na ang ganitong klaseng panawagan ay ingay politika lamang.
Tiwala aniya ang pangulo sa kakayahan ng IATF at tiyak na malalagpasan ng bansa ang pandemya sa tulong ng grupo ng mga ekspertong ito.
Hindi lamang ang Pilipinas ang nakararanas ng surge sa COVID-19
Iginiit ni Vaccine Czar Carlito Galvez na hindi lamang ang Pilipinas ang kararanas ng paglobo ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Galvez, maging ang ilang mayayamang bansa gaya ng Poland, Italy, France at Brazil ay nakararanas din ng spike sa COVID-19 cases.
Sa katunayan ayon sa kalihim, umabot pa sa 90,000 cases ang peak na naitala sa Brazil habang pumalo sa 2,000 ang pinakamataas na bilang ng nasawi sa naturang bansa dahil sa COVID-19.
Malayo ito kung ikumpara aniya sa nararanasang surge ngayon ng bansa.
Tiniyak din ni Galvez na puspusan na ang isinasagawang aksyon ng pamahalaan upang makontrol ang paglobo ng kaso.
Hindi nakasailalim sa lock-down ang NCR Plus
Nilinaw naman ng Palasyo na hindi nakasailalim sa lockdown ang Metro Manila at apat na karatig lalawigan na kabilang sa NCR Plus.
(BASAHIN: Gym, spa at internet cafe sa NCR, sarado muna ng 2 linggo)
Ito ay kasunod ng pahayag ni dating Vice President Jejomar Binay na ang sinasabing “bubble” ng pamahalaan ay lockdown at ayaw lamang nitong gamitin ang naturang terminolohiya at aminin ang kabiguan na tuganan COVID-19 crisis.
Giit ni Roque, hindi ito maituturing na lockdown dahil nanatiling bukas ang ekonomiya.
Paliwanag ni Roque, sa lockdown ay sarado ang ekonomiya at ipinagbabawal ang paglabas sa mga tahanan tulad noong implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ noong nakaraang taon.
Pagbibigay diin ng kalihim, nakasailalim lamang sa limited mobility at additional restrictions ang NCR Plus at hindi lockdown.
Tatagal ang naturang set-up sa NCR Plus hanggang sa Abril 4 kung saan kabilang dito ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.