Multiple entry visa para sa mga dayuhang manggagawa sa Taiwan, pinayagan na—MECO

Multiple entry visa para sa mga dayuhang manggagawa sa Taiwan, pinayagan na—MECO

TINATAYANG nasa 200,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang makikinabang sa bagong patakaran na inilabas ng Taiwan government.

Noong una, ang mga dayuhan na nagtatrabaho sa Taiwan at sakop ng Employment Service Act nito ay hindi eligible na mag-apply ng multiple reentry permits.

Ngunit dahil sa mga konsiderasyon at para mapangalagaan ang karapatan ng mga dayuhang manggagawa, binago ang mga regulasyon.

Ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Silvestre H. Bello III, sinabi ni Director David Des Dicang ng Migrant Workers Office sa Kaohsiung ang bagong panuntunan ngayon ay magpapagaan sa pasanin ng mga OFW ng pagtitipid ng oras at gastos sa pagproseso ng mga travel documents papuntang Taiwan.

Sa multiple entry visa para sa pagpasok muli sa Taiwan, pinapayuhan ang mga OFW na magbabakasyon na kinakailangang magpaalam sa kanilang Taiwan Manpower Agencies (brokers) na hindi bababa sa tatlong linggo bago ang itinakdang pag-alis.

Ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagpapalit ng kanilang R.O.C. (Taiwan) Resident Certificate (ARC) na magpapatunay ng kanilang karapatan sa multiple reentry visa.

Ang nasabing reentry permit ay maaaring gamitin ng maraming beses, at ang panahon ng bisa nito ay hindi dapat lumampas sa panahon ng validity ng ARC.

Ayon din sa MECO, kung ang work permit ay kanselado, ang reentry permit ay itinuturing na kanselado rin.

Pinapaalalahanan din ni DMW Director Dicang na mga OFW na mahigpit na sundin ang takdang panahon ng pagbabalik sa Taiwan.

Ito ay dahil ang pagpapahaba ng bakasyon ay maaaring magresulta sa Absence Without Leave (AWOL) at maaaring magdulot ng kanselasyon ng kanilang Work Permit/ARC at hadlangan ang kanilang pagpasok muli sa Taiwan.

Ang mga bagong patakaran ay nag-amend sa ilang probisyon ng immigration regulations ng Taiwan para sa pananatili at tirahan ng mga dayuhan.

Welcome naman kay OFW Party-list Representative Marissa del Mar Magsino ang pagpapaluwag ngayon ng immigration authorities sa Taiwan para sa mga kababayan natin na muling papasok sa lugar.

Samantala nagpahayag naman ng pagbati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kapapanalo lang na president-elect ng Taiwan na si Lai Ching-te.

“On behalf of the Filipino people, I congratulate President-elect Lai Ching-te on his election as Taiwan’s next President.”

“We look forward to close collaboration, strengthening mutual interests, fostering peace, and ensuring prosperity for our peoples in the years ahead,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang nasabing pagbati ng Pangulong Marcos ay isang paraan ng pasasalamat sa Taiwan dahil sa pag-host sa halos 200,000 OFWs at pagdaraos ng matagumpay na demokratikong proseso.

“The Philippines and Taiwan share mutual interests which include the welfare of nearly 200,000 OFWs in Taiwan. The message of President Marcos congratulating the new president was his way of thanking them for hosting our OFWs and holding a successful democratic process. Nevertheless, the Philippines reaffirms its One China Policy,” pahayag ng DFA.

Muling giniit ng DFA na sumusunod ang Pilipinas sa One China Policy.

Sa ilalim ng prinsipyong One China, kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang nag-iisang gobyerno ng China.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble