HUMIHIRIT ngayon ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System Corporate Office (MWSS CO) sa National Water Resources Board (NWRB) na panatilihin o huwag nang bawasan ang inilalaan na alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam para sa Metro Manila.
Sa Hunyo 1, Huwebes ay dedesisyunan na ng NWRB kung ibababa o itataas ba ang kasalukuyang 52 cubic meters per second na alokasyon ng tubig.
Ayon kay MWSS Division Manager Engineer Patrick Dizon, naipadala na nila noong nakaraang linggo ang liham sa NWRB kung bakit kinakailangan huwag nang bawasan o panatilihin na lamang ang 52 cms hanggang Hunyo.
Punto niya, ito ay upang matiyak na walang lugar sa Metro Manila ang makararanas ng mahabang water service interruptions.
Tumataas aniya ang demand sa tubig ng mga konsyumer ng 2 water concessionaire na Manila Water at Maynilad.
Ang hiling ng MWSS CO sa NWRB ay tatalakayin sa isang special board meeting bukas, Miyerkules.
Samantala, patuloy na hinihimok ng ahensiya ang publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig lalo’t pinangangambahan ng bansa ang pagtama ng El Niño phenomenon.