INANUNSIYO kamakailan ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) ang pagkatala ng kauna-unahang kaso ng Q fever sa bansa.
Ito nga’y matapos na madiskubreng positibo sa ‘Q fever disease’ ang samples mula sa mga inangkat ng gobyerno na kambing mula sa Estados Unidos.
Ang Q fever ay isang mild zoonotic disease na matatagpuan sa mga hayop ngunit maaaring makahawa o maipasa sa mga tao.
Kaugnay rito, hinimok ng presidente ng Philippine College of Physicians (PCP) na si Dr. Rontgene Solante ang publiko lalo na ang mga nag-aalaga ng mga kambing at baka, na mag-ingat sa gitna ng banta ng “Q” fever.
Dagdag ni Solante, vulnerable population ng naturang sakit ang mga humahawak ng mga ganitong klaseng hayop.
“Most of the time, ang reservoir nito iyong mga goat, sheep and cattle. Usually, ang Q fever, it is caught by a bacteria pala ‘no, so it’s not a viral infection, not a fungal, but it’s a bacterial infection na dinadala ng mga animals na nabanggit ko kanina and usually they can cross some an animal to human,” pahayag ni Dr. Rontgene Solante, President, Philippine College of Physicians.
Kaya naman, payo ng eksperto sa mga humahawak ng mga kambing at baka, dapat gumamit ng protective equipment tulad halimbawa ng guwantes at facemask.
Ang mga magkakatay ng karne ng mga kambing at baka ay kailangang magsuot ng isang bagay na magpoprotekta sa kanila para hindi matalsikan ng likido mula sa mga naturang hayop.
Binanggit din ni Solante na ang mga naglilinis ng dumi ng hayop ay dapat mabigyan ng sapat na proteksiyon dahil maaari ding mahawa sa pamamagitan ng paghawak dito.
“By not wearing anything, like iyong facemask kasi it can also be aerosolized, especially ‘pag natutuyo na iyong mga dumi ng mga ganitong klaseng hayop, iyon ‘yung pinakaunang, pinaka-most common na transmission, pumasok siya doon sa lungs,” aniya.
Human-to-human transmission ng Q fever, bihira ayon sa isang eksperto
Samantala, ibinahagi ni Dr. Solante na bihira ang human-to-human transmission ng Q fever.
“Not anybody can just get it na kumbaga human to human transmission, it’s not so common to get this from another human it’s really coming from animals ‘no,” ani Solante.
Saad pa ni Solante, madalas na kapag mayroong cross-transmission mula sa hayop tungo sa tao, bihira ding nagdudulot ng severe infection.
Kadalasang sintomas ng nasabing sakit ay lagnat, pananakit ng ulo, at pananakit ng katawan.
“And usually mga siguro 60 to 70 % it is [unclear] limited disease na maski hindi ka mag-antibiotic puwedeng mawawala din siya, so iyon ‘yung medyo characteristic and common manifestation ng Q fever,” dagdag nito.
Samantala, iniulat naman ni Dr. Solante na walang pasyenteng dinala sa San Lazaro Hospital dahil sa Q fever.