Nagpapanggap na DILG Sec. Benjamin Abalos Jr., inaresto

Nagpapanggap na DILG Sec. Benjamin Abalos Jr., inaresto

INARESTO ang nagpapanggap na DILG Sec. Benjamin Abalos Jr.

Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang taong nasa likod ng pagpapanggap bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Sa totoo lang gigil na gigil na ako sa taong ihaharap ko sa inyo dahil ang taong ito ay ginagaya ang boses ko at marami nang naloko,” pahayag ni Sec. Benjamin Abalos Jr., DILG.

Galit na humarap sa media si DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. araw ng Martes matapos na makita nito nang personal ang umano’y nagpapanggap bilang siya.

Ang pagpapanggap ng suspek ay ginagamit para makakuha ng pera mula sa mga government official.

“At maraming mga pera, marami ang mga naloko. Ang isa sa mga sinubukan niya ay si Governor ng Northern Maguindanao, si Mayor Muhamad ng Cotabato City si Mayor Lim ng Masinloc Zambales, si Mayor Escolan ng Roxas Capiz at pinaka latest si Mayor Edwin ng Northern Samar,” saad ni Abalos.

Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame, inihayag ni Sec. Abalos ang modus ng suspek.

Gumagamit aniya ito ng modernong teknolohiya upang gayahin ang kaniyang boses.

“Ang style niya ay ganito, sasabihin niya na ako si Secretary Abalos, magpapadala ako ng bigas sa inyo, on the way na jan, medyo nasiraan, pakitulungan naman o di kaya ay magbigay ka ng pera ito ‘yung GCash ko tatawag sayo ang staff ko” ani Abalos.

Dahil dito bumuo ng team si Secretary Abalos upang mahuli ang impostor na nang-i-scam sa mga government official.

Ayon kay Atty. Benjamin Tan, legal officer ng Office of Internal Security ng DILG na nahuli ang suspek sa lalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng isang entrapment operation.

“Sinundan namin nang sinundan hanggang sa pumunta kami sa provincial office ng Pangasinan Police Office din ‘yung Lingayen Police Office para iaasist kami for entrapment operation,” wika ni saad ni Atty. Benjamin Tan, Legal Officer Office of Internal Security of DILG.

Sa ngayon ay hindi pa ibinunyag ng DILG ang tunay na pangalan ng suspek dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at base sa kanilang paunang imbestigasyon, kasabwat ng suspek ang mga kaanak nito.

“Actually, lumapit na rin po sila sa amin, of course we cannot arrest them, wala namang probable cause pero all of them in fact all of them talk to us na ganito ang nangyari so we are morally convinced na sila talaga I believe on the works ang kanilang pagtulong para ituro talaga ang pinaka/master that’s why nakuha namin ang pinakaulo,” dagdag ni Tan.

Dahil dito babala ni DILG Abalos sa mga manloloko.

“Lumalabas ngayon, halos number 1 crime natin ngayon ang mabilis tumaas ay ang cybercrime o ‘yung mga pangloloko sa mga txt sa mga cellphone, ‘wag po tayo magpapadala dito. ‘Yun lang ang gusto kong sabihin ngayon bilang babala sa mga taong manloloko ‘wag kayong manloloko dahil mate-trace at mate-trace kayo. Matindi na ang teknolohiya, baka naman ang pulis sigurado mahuhuli kayo,” ayon pa kay Abalos.

Kung matatandaan, noong nakalipas na taon ay una nang naglabas ng babala ang DILG sa publiko lalo na sa mga local government official at mga negosyante kaugnay sa pagso-solicit na nagpapanggap na kalihim ng DILG.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble