IGINIIT ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto na may sapat na pera ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) management para sa request nito na bagong electrical system.
Ito’y matapos magkaroon ng aberya sa NAIA Terminal 3 nitong Labor Day na nakaantala sa biyahe ng maraming pasahero.
Bilang solusyon, kailangan umano ng P1 billion ng NAIA para matugunan ang problema sa kuryente.
Saad ni Recto, isang corporate profit center ng pamahalaan ang NAIA na may P15.2 billion na gross income nitong 2019 batay sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Mula umano ‘sa kita na ito, ni-remit nito ang P1.8 billion sa Treasury as national government’s share of profits.’
Dagdag pa ang P2.2 billion na tax payments at kahit ganun kalaki ang kaltas, may P5 billion net income pa rin ang NAIA.
Hindi lang MIAA ang kumikita sa airport operations, tumitiba rin ani Recto ang mga ahensiyang nag-oopisina sa mga pangunahing paliparan.
Isang tumataginting na halimbawa ayon sa mambabatas ay ang Travel Tax sa papaalis na Pilipinong pasahero na tumabo sa P7.2 billion noong 2019 batay sa datos ng TIEZA.
Kaya walang dahilan para hindi maayos ng NAIA ang kanilang electrical system kung pondo lang naman aniya ang problema.
“Dahil korporasyon ang MIAA, hindi na kailangan idaan sa Congress para mabigyan ng appropriation authorization,” ani Recto.