Naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong linggo mas mababa ng 6%

Naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong linggo mas mababa ng 6%

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na 6% na mas mababa ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa kung ikukumpara noong nakaraang linggo.

Mula Enero 9 – 15 ay 2,934 na bagong kaso ang naitala sa bansa.

Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 419.

Ayon sa DOH ang naitalang kaso ng COVID-19 ngayong linggo ay mas mababa ng 6% kung ikukumpara noong Enero 2 – 8.

Sa mga bagong kaso, 1 sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Samantala, mayroon namang naitalang 116 na pumanaw kung saan 14 ay naganap noong Enero 2 – 15.

Noong Enero 15, 2023, mayroong 567 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Sa 2,340 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 402 (17.2%) ang okupado.

Samantala, 3,917 (20.0%) ng 19,607 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Pagdating sa bakunahan, higit sa 73 milyong indibidwal o 94.50% ng ating target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.46% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Follow SMNI NEWS in Twitter