Naitalang kaso ng rabies ngayong taon bumaba—DOH

Naitalang kaso ng rabies ngayong taon bumaba—DOH

UMAABOT sa 67 kaso ng rabies ang naitala sa bansa mula sa unang araw ng Enero hanggang Marso 8 ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na ang nasabing bilang ay mas mababa ng 31% kumpara sa 97 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Bagama’t bumaba, ani Domingo, hindi pa rin dapat magpakampante ang publiko.

Ipinaliwanag naman ng opisyal kung bakit dumarami ang kaso ng rabies tuwing tag-init.

“Iyong teyorya na sinasabi na bakit kapag tuwing tag-init, dahil traditionally, ito iyong panahon na nagbabakasyon ang mga bata at lumalabas, although ngayon alam natin nagbago iyong mga school calendar, pero sinasabi rin na maaaring may impluwensiya iyong init doon sa behavior ng ating mga hayop,” saad ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, Department of Health (DOH).

Binanggit ng health official na ang kakaiba sa rabies ay ang tinatawag na case fatality rate kung saan sa bawat 100 tao na magkakaroon ng rabies, 100 din ang namamatay.

“100% ang case fatality rate. So, talagang mapanganib ito at hindi talaga dapat na pinapasawalang-bahala na kapag mayroong nakakalmot ng aso or pusa or iyong ating nalawayan ng aso at pusa lalo na kung hindi natin kilala ang ating hayop na nakasalamuha, baka may rabies iyan,” dagdag ni Domingo.

Pinayuhan naman ni Domingo ang publiko na kung nakalmot o nakagat ng aso o pusa, ang unang dapat gawin ay hugasan ang bahaging nakagat.

“Kailangan mga sampung minuto, running water, malinis na tubig at may sabon. And then, pagkatapos po noon ay dalhin kaagad sa isang emergency room o kaya Animal Bite Treatment Center,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble