UMABOT na sa mahigit 1 milyong estudyante ang nakabenepisyo ng ‘Libreng Sakay’ program sa Light Rail Transit 2 (LRT-2).
Nasa limang istasyon ng LRT-2 ang may pinakamataas na bilang ng estudyante na nakikinabang sa ‘Libreng Sakay’ ng gobyerno.
Sa Facebook post ng LRT-2, ibinahagi nito ang bilang ng mga estudyante na nakabenepisyo sa ‘Libreng Sakay’ ng pamahalaan.
Sa loob ng 43 araw simula nang ipatupad ang programa, nakapagtala na ng 1,028,407 mag-aaral ang nakinabang sa naturang programa.
Nangunguna naman ang mga istasyon ng Recto na may 220,000 na pasaheo, Legarda 180, 993 at Araneta Center- Cubao na may 114, 812.
Gayundin ang 107, 183 sa Marikina-Pasig at Antipolo na aabot sa 97, 204 na bilang ng mga estudyante na naserbisyuhan ng programa.
Mga istasyon ng LRT-2 na may pinakamataas na daily ridership
- Recto Station
220,000
- Legarda Station
180, 993
- Araneta Center- Cubao
114, 812
- Marikina-Pasig
107, 183
- Antipolo
97, 204
Ikinalugod naman ni LRT-2 Administrator Attorney Hernando Cabrera ang nakamit na bilang ng pasahero.
Aniya, malaking tulong sa mga mag-aaral ang ‘Libreng Sakay’ maging sa kanilang mga magulang ngayong nagtataasan ang mga bilihin at gasolina.
“Natutuwa kami at sa pamamagitan ng Libreng Sakay nakakatulong ang LRT-2 sa mga estudyante gayundin sa kanilang mga magulang lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng gasolina at mga pangunahing bilihin,” pahayag ni Atty. Cabrera.
Sinabi pa ng pamunuan, ang mga estudyante mula nursery hanggang kolehiyo ay maaring mag-avail ng ‘Libreng Sakay’ simula Lunes hanggang Sabado, alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:30 ng gabi.
Magpapatuloy ang “Libreng Sakay ng pamahalaan hanggang sa Nobyembre 5.
Habang sa pagsapit naman ng Nobyembre 6 ay ipagpapatuloy na naman ang pagbibigay ng 20% student fare discount.
Samantala, naitala ang 139, 518 na pasahero na sumakay sa LRT-2 noong Oktubre 10 na siyang pinakamataas na daily ridership ng LRT-2 simula ng magpandemya.
Noong panahon naman ng pandemic lockdown, umabot lamang sa 10,000 ang pinakamababang ridership ng LRT- 2.