UMABOT na sa 3.11 percent o 7,469 ang nakaranas ng ‘suspected adverse reaction’ matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine.
Batay ito sa inilabas na datos ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) hanggang alas 6:00 ng gabi kagabi, Marso 17.
Ayon sa DOH at FDA, karamihan sa insidente ay mild pero 137 ang ikinokonsiderang serious adverse reactions.
Sa 137 na nakaranas ng serious adverse reaction sa COVID-19 vaccine, 83 ang nabakunahan ng Sinovac at 54 ang tumanggap ng AstraZeneca.
Isa naman ang napaulat na nasawi matapos mabakunahan ng CoronaVac pero una nang nilinaw ng DOH na wala itong kinalaman sa bakuna.
Sa kabuuan, pumalo na sa 240,297 indibidwal ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Samantala, nagbigay ng karagdagang detalye ang Department of Health (DOH) ukol sa healthcare worker na namatay sa COVID-19 matapos mabakunahan kontra COVID-19.
(BASAHIN: Pagkasawi ng healthcare worker, hindi bakuna ang dahilan kundi COVID-19)
Ayon kay PSAAI President and National Adverse Event Following Immunization Committee Vice Chairman Dr. Rommel Lobo, ang namatay ay isang babaeng healthcare worker, 47-anyos at mayroong history ng hypertension, diabetes, at asthma.
Sinabi ni Lobo na Marso 4 nang bakunahan ng Sinovac vaccine ang pasyente kung saan wala itong senyales o sintomas ng COVID-19 at Marso 8 ng nagpositibo ito sa COVID-19.
Marso 10 naman nang ma-admit ito sa ospital at March 13 nang masawi.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, iginiit ni Lobo na mismong COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay ng healthcare worker at walang kinalaman sa bakuna.