HINDI igagalang ni Senator Manny Pacquiao ang nakatakdang National Assembly ng mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) bukas.
Sa isang pahayag , iginiit ni Senator Pacquiao na wala siyang natanggap na tamang koordinasyon maging ang mga miyembro ng national council para sa naturang pagpupulong.
Binigyang diin ng senador na ang kanyang ipatatawag na National Assembly sa darating na Setyembre ang dapat kilalanin dahil nakipag-coordinate aniya ito sa lahat ng mga miyembro ng partido.
Hinimok din ni Senator Pacquiao ang mga gustong biyakin ang PDP-Laban na lumipat at magbuo na lang ng ibang partido.
Sa ngayon ayon sa senador, nakalikom na ito ng 15,000 signatures mula sa miyembro ng partido na nagpapakita ng suporta sa kanya.