PROBLEMA sa West Philippine Sea (WPS) ang dapat talakayin ng Pilipinas at ng China.
Ito ang inihayag ni dating Presidential Counsel Salvador Panelo kasunod sa nakatakdang pagbisita ni Chinese Foreign Minister Qin Gang sa bansa sa isang official state visit.
Ani Panelo, wala nang problema ang dalawang bansa sa pangkalakalang usapin kaya dapat tutukan ang pam-bu-bully na ginagawa ng China sa mga mangingisdang Pinoy sa WPS.
Unang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpunta ni Gang sa bansa at inaasahang makipagpulong kay DFA Secretary Enrique Manalo.
Inaasahang tatalakayin ang mga isyu sa seguridad sa pagitan ng dalawang bansa maging ang implementasyon ng mga deal na nauna nang napagkasunduan ng China at Pilipinas sa pamamagitan ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa China.
Kaugnay nito, pinuri ni Atty. Panelo ang pagiging mahinahon ni Pangulong Marcos kaugnay sa pahayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian na naging kontrobersiyal.