HATI ang opinyon ng liderato ng Department of National Defense (DND) at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagsasabatas sa UP-DND Accord.
Ito’y matapos na umakyat sa plenaryo ang usapin sa nakatakdang pagsasatibay sa nasabing kasunduan.
Tutol si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pagsasabatas sa UP-DND Accord.
Itoy matapos na iakyat sa Senate plenary ang usapin ng pagsasatibay sa kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines at Department of National Defense.
“We are objecting to this bill,” pahayag ni Lorenzana.
Paliwanag ng kalihim, may sapat naman aniyang batas na mangangalaga sa karapatan ng lahat, kung kayat hindi ito kailangang isabatas o pagtibayin pa.
“Tingin ko hindi kailangan. Meron na tayong sapat na batas para pangalagaan ang karapatan ng lahat,” ayon pa sa kalihim.
Giit pa ni Lorenzana, maituturing na class legislation lang aniya ito dahil maliit lamang na grupo ang inaasahang makikinabang sa nasabing kasunduan.
” Isa pa class legislation ito for a small group of individuals- unconstitutional. Lastly, EJK and harassment of HRD is not tolerated by the government,” ani Lorenzana.
Ipinagtataka rin ng kalihim ang malaking pagkakaiba ng nasabing kasunduan noon at sa kasalukuyan kung saan wala na sa poder ng AFP ang police power na siyang ikinatatakot ng pamunuan ng unibersidad ng Pilipinas
“Pero ang pinaka mabigat na rason ay ang situation ngayon ay ibang iba kesa noong pinirmahan ang agreement. Isa pa, wala nang police power ang DND di katulad noon na ang PNP ay under ng AFP,” dagdag ni Lorenzana.
Sa kabilang banda, igagalang naman ng PNP ang magiging pasya ng Senado kung maisasabatas ang UP-DND Accord.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, susunod ang kanilang hanay dito kasabay ng paniniwalang napag-aralan itong mabuti ng mga mambabatas.
“Kung yan ay maging batas susunod kami. Mag-coordinate, so gagawin po namin yan,” saad ni Carlos.