NANINIWALA si Sen. Bong Go na maaari pang mapigilan ang nakatakdang pagtaas ng kontribusyon sa mga miyembro ng PhilHealth kasunod ng pagsuporta dito ng pangulo.
Sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang nakatakdang pagtataas ng kontribusyon sa Philippinne Health Corporation or PhilHealth.
Ito ay batay kay Sen. Christopher Bong Go ang close aide ng pangulo.
Ayon sa senador, kailangan lamang na maamyendahan ang Universal Health Care Law o UHC Law.
Batay sa batas ay kailangan magtaas ng premium rates ang state insurer ng premium mula sa 2.75 percent sa taong 2019 hanggang 5 percent sa taong 2024 para matiyak ang pondo nito para sa enrollment ng lahat ng Pilipino sa insurance program ng pamahalaan.
Ngayong taong 2021, ay nakatakdang itaas sa 3.50 percent mula sa 3.00 ang kontribusyon ng 110 milyong miyembro nito.
Ayon kay Sen. Bong Go, base sa pag-uusap nila ng pangulo ay pipirmahan nito ang maipapasang batas ng Kongreso hinggil sa deferment.
“Sinabi niya na kung may maipapasang batas ang lehislatibo na naglalayong ipatupad ang deferment, o kung may kailangang aprubahan na dagdag na pondo mula gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth, pipirmahan niya ito pagkatapos mapag-aralan ng mabuti,”pahayag ni Go.
Ayon sa senador maaaring gawin ang probisyon sa pamamagitan ng panukalang Bayanihan 3.
Sen. Gordon muling pinasaringan ang PhilHealth
Isa naman sa nagpahayag ng pagtutol sa premium hike ay si Sen. Richard Gordon at muli na namang pinasaringan ang PhilHealth sa utang nito.
“Di puwede kasi kung kailan lang nila gusto magbayad dahil lalaki nang lalaki [ang utang]. Baka mapilitan kami itigil dahil bibili pa kami ng gamit tapos ime-maintain naman ang mga tao sa laboratoryo,” ayon kay Gordon.
“Nakikiusap [kami] sa kanila na mag-up-to-date sila dahil tutumba ang Red Cross dahil sa kanila.”
Sa ngayon aniya ay nasa 800 M na ang utang ng ahensiya dahil sa hindi raw ito on time sa pagbabayad ng test.
Humingi naman ng pag-unawa dito ang PhilHealth at idinahilan ang napakaraming claim na dapat nilang atupagin.