“KUNG ano ang itinanim, dapat ganoon din ang aanihin o higit pa.” Ito ang muling panawagan ni Senate Committee on Health Chairman Sen. Bong Go sa kaniyang nagpapatuloy na Bantay PhilHealth social media posts.
Kasunod ng kaniyang privilege speech sa Senate plenary kamakailan, muling iginiit ni Sen. Go sa pamunuan ng PhilHealth na dapat ay commensurate o katumbas ng kontribusyon na ibinayad ng mga miyembro ang benepisyong matatanggap nila kapag na-ospital.
Sa katunayan aniya, samo’t saring reklamo ang kaniyang natatanggap tungkol sa ‘di umano’y pagkalugi ng maraming PhilHealth contributors dahil sa napakaliit na kaltas sa hospital bill.
Sa kaniyang speech, binanggit pa ni Sen. Go ang kaso ng isang Sir Walter na dating provincial health officer ng Bicol Region.
Sa kabila ng adbokasiya ni Sir Walter para i-promote ang PhilHealth sa kaniyang mga nasasakupan at sa kaniyang lifetime contribution na umabot sa P200-K, tila mismo siya ay hindi nakaligtas sa ‘di umano’y kulang na benepisyo mula sa state health insurer.
Kuwento ng senador, dahil sa tinamong pancreatic cancer ay umabot sa P10-M ang hospital bill ni Sir Walter.
Ikinagulat naman ng mga nasa plenaryo noon nang banggitin ng senador ang kinaltas ng PhilHealth sa bayarin ni Sir Walter dahil P60-K lamang ito mula sa P10-M hospital bill.
Sa kasamaang palad, pumanaw si Sir Walter kamakailan ayon kay Go.
Sa susunod na linggo ay muling sasalang ang PhilHealth sa pagdinig ng Senate Health Committee.
Nauna nang nangako ang PhilHealth sa senador na aayusin na nito ang kanilang serbisyo at mga benepisyo.