NAKAPAG-generate na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng humigit-kumulang 56 milyong digital IDs.
Ito ay sa pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa Philippine Statistics Authority (PSA) at PhilSys sang-ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na bagama’t ang national ID ay pinangangasiwaan ng PSA, ay inatasan ng Pangulo ang DICT na huwag hintayin ang pag-iisyu ng mga pisikal na plastic ID at sa halip ay gumawa ng digital copies nito.
“Humanap po tayo ng paraan na maka-distribute rin ng ID na medyo modern at nasasang-ayon sa digital age. So, na-develop na po namin iyong Digital National ID, so sa kabila nito, nasa humigit-kumulang 1.4 milyong tao lamang ang nakapag-download ng eGovPH App,” pahayag ni Sec. Ivan John Uy, DICT.
Kaya naman, pinayuhan ng DICT Chief ang publiko na mag-download ng eGovPH App para ma-access ang kanilang mga digital national IDs habang hinihintay nila ang pag-iisyu ng mga physical card.
Sakali’t matagumpay nang ma-access ang app ngunit hindi pa rin makakonekta, sinabi ni Uy na nangangahulugan ito na inaayos pa rin ng PSA ang mga nakalap na impormasyon.
“Kung sinabi na hindi ma-access then may problema sa PSA, so tawagan ninyo ang PSA at tanungin ninyo kung ano maaaring mali – iyong picture or iyong resolution ng picture ay hindi ganoon kaganda, so hindi ma-validate iyong biometrics ninyo or maaaring may errors sa pag-input ng birthdate ninyo, ng address niyo or whatever at iyong issues na iyon kailangan ayusin sa PSA,” dagdag ni Uy.
Ang Republic Act No. 11055, o mas kilala bilang Philippine Identification System Act, ay naglalayong magtatag ng isang single national identification system para sa bawat Pilipino at residenteng dayuhan ng Republika ng Pilipinas.
Sa tulong ng pagkakaroon ng valid proof of identity, ay mas magiging madali nang maka-access sa mga serbisyo ng gobyerno at ng pribadong sektor, at iba pang transaksiyon na kailangan ng valid ID.