Nangyaring pagdumog ng mga tao sa DSWD-Manila, isang malaking kalituhan –Spox

Nangyaring pagdumog ng mga tao sa DSWD-Manila, isang malaking kalituhan –Spox

DINAGSA ng mga tao ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) sa Quiapo Maynila nitong umaga ng Biyernes.

Ang mga nagtungo sa DSWD-NCR ay ang mga gustong makakuha ng ayuda mula sa Sustainable Livelihood Program.

Si Aling Agustina, isang senior citizen na taga Caloocan City, ay kabilang sa nagpunta sa tanggapan ng ahensiya.

Pero ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, isang malaking kalituhan ang nangyaring pagdagsa ng mga tao sa tanggapan ng DSWD sa Maynila.

Aniya, hindi nanggaling sa DSWD ang impormasyon ng payout o assessment.

Ikinagulat ni Lopez kung bakit dumagsa ang mga tao gayong wala pa naman silang anunsyo na magkakaroon ng pamamahagi ng tulong.

“Ang nangyari po diyan kanina ay isa pong malaking kalituhan sapagkat tayo po ay wala po tayong inanunsiyo, wala po tayong kumbaga’y ginawang paghihikayat na ngayong araw po ay magkakaroon ng malawakang payout, o malawakang assessment,” pahayag ni Asec. Romel lopez, spokesperson, DSWD

“Nagulat na lang po tayo dahil kahapon ay medyo may mga dumarating na po tayong mga kababayan doon, at umaasa na makatanggap ng ating Sustainable Livelihood Program natin – iyong SLP,” aniya pa.

Ipinaliwanag din ni Lopez na ang Sustainable Livelihood Program ng DSWD ay tulong ng ahensiya sa mga mamamayan para mabigyan sila ng hanapbuhay o matulungan na makapaghanap ng kanilang trabaho kung saan mahaba ang proseso rito.

Hindi aniya ito kagaya ng proseso sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Gayunpaman, humihingi pa rin ng paumanhin ang DSWD sa nangyaring kalituhan.

Kaugnay rito, tinitingnan na ng DSWD ang ugat ng naturang pangyayari.

“So, sa ngayon po, inyo pong DSWD ay tinitingnan po iyong pangyayaring ito sapagkat sa amin pong impormasyon ay may mga jeep-jeep pa daw po yata, or van na nagdala sa kanila diyan,” turan pa ni Lopez.

“Well, sa totoo lang po, ayaw lang po namin magbigay ng malisya o anuman pero hindi po namin alam, at hindi po namin talaga gusto na ganito iyong maging outcome na may mga kababayan tayong dudumog diyan,” aniya.

Samantala, inilahad ng DSWD na ang maari lang gawin ng mga tao ngayon ay magfill up ng application form at tatawagan na lang kung kwalipikado silang maging benepisyaryo.

“Pero ganoon pa man, iyong atin pong mga kababayan ay hiningan po muna namin ng mga paunang mga impormasyon – pinag-fill up po namin sila doon sa aming mga form, kinuha namin iyong kanilang mga information, and then from there ay titingnan namin kung talaga pong sila ay magku-qualify, at maaari po silang tawagan, and then bigyan na lang ng tama at akma po na schedule para po sila ay ma-assess, at siyempre po ay maproseso,” ani Lopez.

Follow SMNI NEWS in Twitter