Napolcom, inatasang huwag pahirapan ang pagkuha ng benepisyo sa mga naulila ng pulis

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Police Commission (Napolcom) na tiyakin na hindi dadaan pa sa pahirapan ang proseso ng pagkuha ng benepisyo ng mga pamilyang naulila ng nasawing pulis.

Sinabi ni Pangulong Duterte na dapat gawing simple ang proseso ng pagkuha ng death benefits para sa mga naulilang pamilya.

“Ang practice kasi ang mga biyuda pupunta pa dito sa Crame. Ewan ko if it’s still the practice now, but if is still the practice, I’m ordering you to cut it now,” pahayag ng Pangulo.

Aniya ay isang “disgrace to government” na hayaang gumastos pa ng sarili nilang pera ang mga naulilang kamag-anak ng nasawing mga pulis para makuha ang death benefits kung kaya naman ng ahensiya na magtalaga ng tauhan sa mga regional office na siyang mangasiwa nito.

“Alam mo kayo na ‘yan, there should be an office that should take care of this,” ayon sa Pangulo.

Mayroon aniyang sapat na pondo ang ahensiya para magbigay ng serbisyo sa kanilang regional offices.

“Sa regional na lang nila i-follow up. Kayo ang magpadala. The PNP has the resources, there are almost a lot of people there walking around,” ayon pa ng Pangulo.

Inamin ng Pangulo na madali lang para sa Napolcom at PNP na bumalik sa dating gawi na kailangan pang magtungo sa Camp Crame ang mga naulilang kamag-anak ng nasawing pulis para kunin ang death benefits.

Ngunit idiniin ng Pangulo na dapat matigil ito habang nanatili pa siya sa kanyang puwesto bilang pangulo.

“Simply mo na. Nakuha ninyo ako? You might revert it to the old practice maybe when I’m no longer the President. But ngayong Presidente ako sumunod kayo. Ito ang gusto ko. Kayo ang mag-process, kayo ang mag-retrieve kasi kayo ang may alam,” pagdidiin ng Pangulo.

Dapat aniyang nakahanda nang ibigay ang death benefits bago tawagin para magpakita ang pamilya ng nasawing pulis.

(BASAHIN: PNP, magsisimula nang gumamit ng body cameras sa Abril —Palasyo)

SMNI NEWS