Nasawi sa magnitude 7 na lindol sa Abra, umakyat na sa 11

Nasawi sa magnitude 7 na lindol sa Abra, umakyat na sa 11

Labing isa na ang naitalang nasawi bunsod ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.

Sa 8am situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na ang pinakabagong nasawi ay naiulat mula Tubo, Abra.

Nasa 410 katao naman ang naitalang nasugatan sa lindol.

Ayon sa NDRRMC, 119,730 pamilya o 448,990 indibidwal ang apektado ng lindol sa 1,188 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nasa 745 pamilya o 2,395 katao naman ang nananatili sa 21 evacuation centers habang 14,088 pamilya o 48,843 katao ang nanatili sa labas ng evacuation centers.

Iniulat din ng NDRRMC na 30,285 bahay ang napinsala ng lindol sa Ilocos, Cagayan, Cordillera at NCR kung saan 29,720 dito ay partially damaged at 565 ang totally damaged.

Habang mahigit 33.22 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura, 22.7 milyon sa National Irrigation Administration at 1.34 bilyon sa imprastraktura.

 

Follow SMNI News on Twitter