National COVID-19 Vaccination Operations Center, may bago ng pinuno

National COVID-19 Vaccination Operations Center, may bago ng pinuno

MAY itinalaga ang pamunuan ng Department of Health (DOH) na bagong pinuno ng National COVID-19 Vaccination Operations Center (NVOC).

Ito ay kinumpirma ni DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na siya nga ang papalit kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje bilang chairperson ng NVOC.

Sa ginanap na DOH media forum ngayong araw, sinabi ni Vergeire na maaari pa ring magbago ito sa pormal na pagpasok ng susunod na administrasyon.

Nilinaw naman ng DOH sa isang statement na si Health Secretary Francisco Duque III, bilang parte ng kasalukuyang administrasyon, ang nagtalaga kay Usec. Vergeire bilang ‘succeeding Incident Manager’ ng NVOC.

Nakasaad pa sa statement na bilang senior career executive sa government service, si Usec. Vergeire ang mag-take over sa pinangangasiwaan ni Usec. Cabotaje na nakatakdang matapos ang termino sa Hunyo 30.

Ang naturang ‘succession’ ay inilaan upang maiwasan ang mga puwang sa pagpatutupad ng patuloy COVID-19 vaccination program habang papasok pa lang ang Marcos administration.

Gayunpaman, pinasalamatan ni Vergeire si Cabotaje sa pagsusumikap nito na maging ‘excellent’ ang bakunahan sa bansa laban sa sakit na COVID-19.

Sa Laging Handa public briefing, tiniyak naman ni Cabotaje sa publiko na nasa mabuting kamay ang vaccination program ng pamahalaan sa gitna ng napipintong pamumuno ni Vergeire sa NVOC.

“Ang papalit sa amin na aalis na ay kasing galing, kung hindi man mas magagaling. Ang magti-takeover po ng ating National Vaccination Operations Center ay si Usec. Vergeire, kasi siya po ang maiiwan dito sa Department of Health. So, the vaccination program will be in good hands,” pahayag ni Cabotaje.

Sa kabilang banda, inihayag ni Vergeire na napakalaking tulong ang magandang kapamaraan na naumpisahan ng NVOC na susundan na lamang nito.

Nangako si Vergeire na ipagpapatuloy nito ang mga nasimulan na ni Cabotaje at ng kanyang team at ng DOH sa pamumuno ni Sec. Duque. 

Bagama’t in-place na lahat ng ipinapatupad na istratehiya ng NVOC, saad ni Vergeire na pag-uusapan na lamang nila nang maigi kung paano makapaghikayat pa ng indibidwal na magpaturok ng COVID vaccine lalo na ng booster shots.

Bukod dito, saad ni Vergeire na tututukan din nila ang pag-generate ng mas maraming ebidensya o mga pag-aaral patungkol sa bakuna.

Dagdag pa ni Vergeire, malugod din niyang tatanggapin ang patnubay at magiging desisyon ng papasok na administrasyon hinggil sa pamumuno ng NVOC.

Samantala, nakapagtala ang DOH ng 32 karagdagang kaso ng BA.5.

Ayon kay Vergeire, sa naturang bilang, 21 indibidwal ay  mula sa Region 6, 4 mula sa Region 4-A, 4 mula sa NCR, at 3 ay mula sa Region 3 na nagpositibo sa BA.5 variant.

Sa mga nagpositibo sa naturang variant, fully vaccinated ang 30, partially vaccinated naman ang isa habang beneberipika ang isa pa.

Nasa 22 ang nakararanas ng mild symptoms, 5 ang asymptomatic, habang inaalam pa ang sitwasyon ng natitirang 5 indibidwal.

Kaugnay nito, sinabi ni DOH Technical Advisory Group (TAG) Member at Infectious Diseases Expert Dr. Edsel Salvaña, bagama’t nadagdagan na naman ang BA.5 cases ay hindi ito ganoon karami katulad noong unang nagkaroon ng spike ng Omicron cases.

Idinagdag naman ni DOH-TAG Member Dr. Anna Ong-Lim na hindi kasing tindi ang epekto ng variant na kumakalat ngayon kumpara sa mga naunang variants.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter