NAGPAPATULOY ang pre-registration para sa Philippine Identification System (PhilSys) o National ID sa Davao Region ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Region 11.
Ito’y sa kabila ng dahan-dahan nang sinimulan ng ilang probinsiya ang Step 2 registration.
Matatandaang nagsimula ang Step 1 o pre-registration ng PhilSys noong Nobyembre 2020 sa buong bansa.
Dahilan naman ng Davao Region sa pagkaantala sa proseso ng rehistrasyon ay ang istriktong health protocols at mahigpit na restriksyon na ipinatutupad upang maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 sa lugar.
Tiniyak naman ng nasabing rehiyon na magsasagawa ito ng kinakailangang anunsyo at payo sa kanilang website.
Dagdag pa ng PSA-11, gagawa ang PSA Central Office ng fixed mobile registration sa piling lugar sa Pilipinas upang makapagrehistro ang mga indibidwal para sa Step 2 at lumikha na ng sistema para sa online registration.
Pinayuhan naman ng ahensiya ang mga nakarehistro sa Step 1 na gawing aktibo ang mga ibinigay na contact details upang malaman ng mga ito ang iskedyul ng Step 2 registration.