National status ng mga batang ganap na nabakunahan, mababa—DOH

National status ng mga batang ganap na nabakunahan, mababa—DOH

INIULAT ng Department of Health (DOH) na sa kasalukuyan, 71 porsiyento lamang ng mga bata ang ganap na nabakunahan.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na target nilang itaas ito sa 95 percent.

“So mababa iyong ating national status ng fully immunized child dahil po nanggaling tayo sa COVID-19. Noong COVID-19, walang pasok, walang school-age vaccination kasi walang eskuwela so maraming batang na-miss iyong kanilang mga bakuna. Number two, lahat ng mga health workers ay busy noon sa pagbabakuna ng COVID vaccine,” saad ni Sec. Teodoro Herbosa, DOH,

Bilang bahagi ng catch-up efforts na taasan ang immunization rate sa mga mag-aaral, inanunsiyo ni Herbosa na isang nationwide school vaccination program “Bakuna Eskwela” ang ilulunsad ng DOH at Department of Education (DepEd) sa Oktubre 7.

“We are hoping, every year nakaka-95% tayo, 71% lang ang nakukuha natin with these two programs, itong school-based at saka iyong big catch-up. We are hoping to increase that by the end of the year, by December,” ani Herbosa.

Sa Dr. Alejandro Albert Elementary School ang kick-off ng programa.

Ang immunization program ay sumasaklaw sa lahat ng mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Sinabi ng kalihim na hindi sapilitan ang pagbabakuna sa mga mag-aaral at kailangan pa rin ang pahintulot ng magulang.

“Kailangan pa rin ng parental consent, of course, right of refusal pa rin. And then, ang usual process namin ‘pag may nag-refuse na parent, iyong health workers na namin ang pumupunta at ini-interview o tinatanong bakit ayaw magpabakuna; and then we try to convince them, baka maling information,” aniya.

Binanggit ni Herbosa na ang mga mag-aaral sa Grade 1 at 7 ay makakakuha ng bakuna laban sa tigdas, rubella, tetanus, at diphtheria.

Tatanggap naman ng bakuna laban sa kanser sa cervix sa mga pampublikong paaralan ang mga babaeng mag-aaral sa Grade 4.

P7.9-B badyet para sa immunization program ng DOH, inaprubahan ng Malakanyang

Ibinahagi ng health chief na ang mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan ay maaari ding mabakunahan sa mga pampublikong paaralan ngayong Oktubre.

Ang gagawin ng mga pribadong paaralan ay kailangan lamang na magkaroon ng tie-up sa mga kalapit na pampublikong paaralan.

Samantala, nasa P7.9-B na badyet ang inaprubahan ng Malakanyang para sa immunization program ng DOH.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble