Nationwide vaccination sa mga 5-11 taong gulang, aarangkada na sa unang linggo ng Pebrero

Nationwide vaccination sa mga 5-11 taong gulang, aarangkada na sa unang linggo ng Pebrero

INAASAHANG sisimulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga kabataan edad 5 hanggang 11 taong gulang sa unang linggo ng Pebrero.

Ito ay dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa dulot ng iba’t ibang variants, vulnerable na mahawaan dito ang mga kabataan na hindi pa bakunado.

Ayon kay NTF Secretary Carlito Galvez, maaari nang mabakunahan ang mga 5 hanggang 11 taong gulang kasunod ng inaasahang pagdating ng reformulated Pfizer doses sa katapusan ng Enero para sa nasabing age group.

“Ang delivery na expected ay Pfizer. In-advance nila ang delivery na instead of February, ay ginawang last week of January. ‘Yung February 1 to 7, doon na tayo magsisimula ng mini-rollout,” pahayag ni Galvez.

Sinabi pa ni Galvez, nakalatag na ang gagawing pagbabakuna sa  mga menor de edad at  prayoridad ito ng pamahalaan.

Inaasahan na magbubukas ang face to face classes sa oras na  ma-lift ang restrictions sa mga bata.

Kasabay nito, target namang matapos ang primary vaccination sa mga labing dalawa hanggang labing pitong taong gulang sa unang quarter ng taon.

Habang sisimulan naman ang pagbabakuna ng booster shots sa second quarter ng 2022.

Bago rito, una ng sinabi ng kalihim na tinitingnan ngayon ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga edad  zero to 4 years old, pero ani Galvez naka-pending pa ang resulta ng bakuna sa iba’t ibang manufacturer.

Unvaccinated senior citizens, prayoridad na mabakunahan vs COVID-19

Samantala, nagbabala naman si Sec. Galvez na vulnerable sa virus ang mga Pinoy na hindi bakunado, 85% kasi sa mga naka-confined sa ICU ngayon ay mga unvaccinated.

Dahil rito, tututukan ngayon ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga unvaccinated senior citizen.

Target ng national government ang nasa halos tatlong milyong matatanda na isa rin sa vulnerable sa sakit.

“So, mas malaki ang value na ang bakunahan natin ay ‘yung matatandang 3 million at ‘yung mga may comorbidities kasi ‘yun po ang mamamatay,”ani Galvez.

Gayunpaman, tuloy-tuloy ang vaccination rollout ng booster shot sa bansa at katunayan tumataas ang vaccination rate  dahil sa bulto-bultong suplay ng bakunang dumarating.

Ayon kay Galvez, nagdadala ang gobyerno ng karagdagang medical personnel sa ibat ibang pasilidad ng health care upang tuloy-tuloy ang kanilang pagbabakuna sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19.

Follow SMNI News on Twitter

Leave a Reply

Your email address will not be published.