MABABAYARAN na ng gobyerno ang natitirang unpaid Health Emergency Allowance (HEA) claims ng mga healthcare worker.
Ito ay matapos ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Biyernes, Hulyo 5, 2024 ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na mahigit P27-B para sa validated beneficiaries na isinumite ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, mahigit 5-M ang benepisyaryo para sa HEA claims.
May mahigit 4-K naman na mga benepisyaryo para sa COVID-10 Sickness and Death Compensation claims.
Dagdag pa ni Pangandaman, validated na ang listahan ng DOH.
Aniya, nakikipagtulungan ang DBM sa DOH para mas mapadali ang distribusyon.
Dahil medyo malaki aniya ang halaga, ipamamahagi ng DOH sa kanilang regional offices ang pondo at sila ang magdi-disburse nito.
Umaasa naman ang DBM na magiging maayos ang pamamahagi sa mga benepisyaryo ng natitirang emergency allowance.
Nakiusap din ang DBM na ipamahagi ito sa lalong madaling panahon.
Una nang ibinahagi ng DOH na ang mga Barangay Health Worker (BHW) na nakatalaga sa lisensyadong health facilities o health-related establishments na kasama sa pagtugon sa COVID-19 ay kwalipikado para sa HEA.
Kapag na-download na ng DBM ang P27-B SARO sa DOH, ay agad na itong i-sub-allot sa kani-kanilang Centers for Health Development (CHD).
Mamadaliin naman nito ang pag-disburse ng HEA sa local government units (LGUs) at Private Health Facilities sa ilalim ng kanilang nasasakupan.