Natitirang Health Emergency Allowance claims ng healthcare workers, ilalabas na ng DBM

Natitirang Health Emergency Allowance claims ng healthcare workers, ilalabas na ng DBM

INANUNSYO ng Budget Department na ilalabas na ng ahensiya bukas ang 27 bilyong piso para mabayaran ang kabuuang natitirang Health Emergency Allowance claims ng mga healthcare worker.

Noong Mayo, opisyal na hiniling ng Department of Health (DOH) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P27.453 bilyon para sa hindi pa naibigay na allowance at iba pang benepisyo na ipinangako ng gobyerno sa mga medical worker.

Sa isang statement na inisyu nitong Huwebes, inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na nakatakda nang ilabas sa araw ng Biyernes, ika-5 ng Hulyo ang P27 bilyon para mabayaran na nang buo ang lahat ng Health Emergency Allowance (HEA) claims ng mga healthcare worker.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, kahit sa 2025 pa ito hinihiling ng DOH, sinikap ng ahensiya na mas maaga itong tuparin dahil nararapat aniya ito sa mga manggagawa sa health sector.

‘’We are already processing it at ilalabas po natin ang 27 billion pesos na for HEA this Friday po. So wala na po tayong utang sa ating mga health emergency professionals and workers,’’ ayon kay Sec. Amenah Pangandaman.

Layunin ng pondo na mabayaran ang natitirang mahigit limang milyong (5,039,926) validated Emergency Allowance at lagpas apatnalibong (4,283) COVID-19 Sickness and Death Compensation claims ng mga kwalipikadong healthcare at non-healthcare na manggagawa.

‘’Kaya masaya po tayo na naibigay na rin po natin kung ano ang kinakailangan na maibayad sa ating mga healthworkers na tumulong sa atin noong panahon ng pandemic,’’ saad nito.

Sa ngayon, nasa kabuuang P91.283 bilyon na ang naipalabas ng DBM sa DOH para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA).

Sumasaklaw ito sa lahat ng benepisyo para sa mga medical worker mula 2021 hanggang 2023.

Sa naturang halaga, P73.261 bilyon ang inilaan partikular para sa Health Emergency Allowance.

Kabilang sa Public Health Emergency Benefits and Allowances ang Special Risk Allowance (SRA), kompensasyon para sa COVID-19 sickness at death, gayundin ang karagdagang benepisyo gaya ng meals, accommodation, at transportation allowances para sa mga healthcare worker.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble