Natitirang POGO hubs sa bansa, bigong maipasara ng pamahalaan nitong 2024

Natitirang POGO hubs sa bansa, bigong maipasara ng pamahalaan nitong 2024

BIGONG maipasara ng pamahalaan ang natitirang POGO hubs noong 2024.

Ito’y sa kabila ng pangako ng PNP noong nakaraang taon na tatapusin daw nito ang problema ng ilegal na POGO sa bansa sa loob ng dalawang buwan o hanggang Disyembre ng 2024.

“We have two months to go to clear the country of these illegal POGOs,” ayon kay PGen. Rommel Francisco Marbil – Chief, Philippine National Police.

Ito ang tinuran noon ni Marbil kasunod ng umano’y ilegal na raid ng mga tauhan nito sa Century Peak Tower sa Maynila sa pangunguna ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at NCRPO.

Giit ng opisyal, hindi raw sila titigil hanggang hindi nauubos ang mga ilegal online gambling at iba pang mga uri ng sugal pati na rin ang human trafficking.

“This operation is a testament to the dedication of our PNP-ACG personnel, whose relentless pursuit of justice has exposed and disrupted a significant hub of criminal activity linked to online scams, illegal gambling and human trafficking,” saad ni Marbil.

Gayunpaman, umalma ang may-ari ng gusali sa operasyon at nauwi ito sa demandahan. Nagresulta naman ito sa pagkasibak sa pwesto ng dating hepe ng NCRPO at dating hepe ng PNP-ACG.

Sa isang hiwalay na panayam kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Usec. Gilbert Cruz, bagamat matagumpay aniya sila sa laban kontra ilegal na mga POGO hub sa bansa, aminado ito na marami pa rin sa mga nagpapatakbo ng mga POGO ang nagmamaang-maangan pagdating sa pagpapasara at paghihigpit sa mga POGO.

Yung iba kasi talagang nagtitigas-tigasan ng ulo, nagbabakasali pa rin, parang kunyari wala silang alam na nangyayaring pagsasara at paghihigpit,” ayon kay Usec. Gilbert Cruz Executive Director, Presidential Anti-Organized Crime Commission.

Batay sa obserbasyon ng mga awtoridad, naghahanap ng paraan ang mga malalaking POGO na maitago at mailipat ang kanilang mga operasyon sa mas maliit na opisina o lugar. Dahil dito, nahihirapan anila silang habulin ang mga ito bagamat ginagawa pa rin nila ang lahat na tapusin na ito hanggang sa unang bahagi ng taong 2025.

“Kasi marami kaming natatanggap na itong mga dating malalaking POGO talagang naghaanap sila ng mga lugar ngayon at gagawa sila ng smaller scale na POGO operations. Sa ngayon, ang tinitingnan namin mga wala na ‘hong 20,” dagdag ni Usec. Cruz.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter