SA kabila ng patong na dalawandaang libong piso, bigo pa ring matunton ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 3 ang natitirang suspek sa pamamaril sa dalawang Pulis noong Marso a-8, ngayong taon sa isang buy-bust operation sa Bocaue, Bulacan.
Sa CCTV footage na ito, makikita ang pagtakbo ng suspek na kinilalang si Xander habang tinatakasan nito ang isang pulis na humahabol rin sa kanya.
Makikita sa video ang pagtatago ng suspek at nang huminto ang motorsiklo lulan ang pulis, binulaga ito ng putok ng baril at tinamaan.
Hindi pa nakuntento at malapitan pa itong binaril sa ulo na agad ring ikinasawi ng pulis.
Kinuha pa ang tsinelas kasama ang motorsiklo.
Ayon sa panayam kay Philippine National Police o PNP Public Information Office Chief Police Colonel Randulf Tuano, nakausap na raw nito ang mismong direktor ng PRO 3 at Concurrent PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo at sinabing patuloy pa rin ang kanilang follow-up operations na umabot na ng sampung araw.
Binisita na rin daw nito ang mga naulilang pamilya nina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz.
“Kausap ko kanina si RD Jean Fajardo, sila ay nasa patuloy na follow-up para kay alias Xander na isa sa suspect at noong March 14 ay nagbisita si Chief PNP doon sa 2 biktima na pulis na kung saan binigyan sila ng Medalya ng Kadakilaan,” ayon kay Col. Randulf Tuano, Chief, Philippine National Police – Public Information Office.
Aminado raw ang PNP na hindi madali ang operasyon kaya hanggang ngayon, hindi nila tinatantanan ang pagtugis sa nasabing drug criminal.
Hiling ni Fajardo, kaunting panahon pa dahil may maganda naman daw silang lead sa kinaroroonan ng suspek.
“Ang hinihiling ni RD Jean kung maaari ay yung pinafollowup nila ay huwag muna pero may maganda silang lead,” saad ni Tuano.
Nauna nang nanawagan ang pamilya nina Cudiamat at Dela Cruz sa natitira pang suspek na sumuko na at pagbarayan ang krimeng ginawa sa kanilang mga mahal sa buhay habang wala pang sinabing panahon ang PNP kung kailan mapapanagot ang salarin.
Follow SMNI News on Rumble