Navotaas Residences sa Brgy. San. Roque, isasailalim sa 12 araw na lockdown

Navotaas Residences sa Brgy. San. Roque, isasailalim sa 12 araw na lockdown

SINIMULANG i-lockdown ang Navotaas Residences o mas kilala sa tawag na MRB sa Barangay San Roque, Navotas City dahil sa banta ng COVID-19.

 

Ang Navotaas Residence ay housing project ng lokal na pamahalaan para sa mga informal settlers at nasa mahigit 200  ang yunit  ng nasabing lugar, kada unit ay laman ng 4 hanggang 8 miyembro ng pamilya.

 

Kahapon ay nakapagtala ito ng walong positibo ng kaso at para hindi na kumalat pa ang virus ay nagdesisyon ang LGU na i-lockdown muna ang MRB.

 

Sa bisa ng Executive Order No. TMT-035, Series of 2020, ang lockdown ay nagsimula kaninang 5:01 ng umaga at matatapos sa 11:59 ng gabi sa July 12 sa nasabing lugar.

 

Iniimbestigahan pa naman ng lokal na pamahalaan kung ano ang dahilan ng hawaan ng virus.

 

Ang walong tinamaan ng sakit ay kasalukuyan namang nasa isolation facility ng lungsod.

 

Mahigpit na pinagbabawalang lumabas ng bahay ang mga residente ng MRB habang umiiral ang lockdown.

 

Gaya ng ginawa sa H. Monroy sa Brgy. Navotas West, ang mga residente sa Navotaas Residences, lalo na ang mga matatanda at wala pang 21 taong gulang, ay pinagbabawalan munang lumabas.

 

Ang suplay ng pagkain ng mga residenteng malo-lockdown ay ihahatid na lamang ng mga opisyal ng Brgy. San Roque sa kanilang mga tahanan.

Hindi naman kasali rito ang  mga frontliners o essential workers na exempted ng IATF, tulad ng mga nagtatrabaho sa Navotas Fish Port Complex.

 

Ang mga residenteng lalabas ng kanilang tahanan ay pinapayuhang nakasuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig, sumusunod sa 1-2 metrong physical distancing, iiwas na makipagkumpulan at parating maghuhugas ng kamay.

 

MARGOT GONZALES

Leave a Reply

Your email address will not be published.