Navotas Centennial Park isasara; city hall isinailalim sa lockdown

INUTOS ng Navotas City government na pansamantalang isara ang Navotas Centennial Park simula sa Huwebes, Pebrero 25.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang nasabing aksyon ay bahagi ng pagsisikap ng lungsod na makontrol ang lalo pang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19) infection.

“Kaugnay ng pagtaas ng ating mga kaso at pangangailangan na magpatupad ng mga polisiya para mapangalagaan ang kalusugan ng ating mamamayan, kailangan po nating pansamantalang isara ang Navotas Centennial Park,” pahayag ni Tiangco.

Kamakailan lang aniya ay dumarami ang mga tao sa park, ito man ay residente ng lugar o hindi upang mag-ehersisyo o tumambay kasama ang mga kaibigan lalo na tuwing Sabado at Linggo.

Nakakalimutan aniya ng mga tao ang pagtupad sa social distancing at nagtitipon-tipon.

“Hangad po nating pigilan ang mga pagkakataon na magkaroon ng malakihang pagtitipon-tipon dahil maaari itong maging superspreader event o aktibidad na pagmumulan ng malawakang hawaan ng COVID-19,” dagdag ni Tiangco.

Samantala, isinailalim na sa lockdown ang Navotas City Hall simula ngayong gabi Pebrero 24 hanggang sa Pebrero 28 ng 11:00 ng gabi.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.