KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na natagpuan na ang crash site ng Cessna 152 at ang dalawang sakay nito na kapwa wala nang buhay sa boundary ng Brgy. Salvacion, Luna, Apayao, araw ng Miyerkules.
Matapos na naiulat na nawawala ang Cessna 152 na may registration number na RP-C8958 ay agad nagsagawa ng search and rescue operation ang iba’t ibang grupo.
Kabilang sa mga tumulong na naghanap ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Philippine Air Force (PAF), at Philippines Army (PA).
Ayon sa CAAP una nang na-triangulate ang suspected crash site ng Tuguegarao Tower sa may Alcala, Cagayan Valley.
Matatandaan una nang kinumpirma ng CAAP na araw ng Martes ay umalis sa Laoag International Airport (LIA) ng alas 12:16 ng tanghali ang naturang aircraft.
Alas 3:16 ng hapon sa Tuguegarao Airport ang nakatakdang paglapag nito ngunit hindi ito nangyari sa inaasahang oras.
Ang huling kinilalang posisyon ng naturang eroplano, ay nasa 32 nautical miles (NM) hilagang-kanluran ng Alcala, Cagayan.
At ang mga sakay ng naturang training aircraft ay isang pilot instructor at student pilot.
Ang bumagsak na Cessna 152 ay inooperate ng Echo Air.
Ayon din kay Apolonio may sinumite naman na Flight plan ang Cessna 152 at compliant din ito sa mga patakaran ng CAAP.
Pero ang nangyaring insidente ay hindi pa matukoy kung ano ang sanhi nito.
Ang Cessna 152 ay isang American two-seater na pangunahing ginagamit para sa flight training at personal use.
Sa ngayon pinadala na ng CAAP ang mga imbestigador ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) sa crash site para sa gagawing imbestigasyon.
Matatandaan nitong nakaraang Huwebes ng umaga, nag-crash landing naman sa isang sagingan sa Bukidnon ang isang R44 Raven helicopter ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS).
Bagamat ligtas ang apat na sakay ng pribadong eroplano ay hindi pa rin tapos ang imbestigasyon ng CAAP upang alamin ang dahilan ng insidente sa lugar.
Ayon din sa CAAP, suspendido na ngayon ang operator ng aircraft na Echo Air.