INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dayuhang Amerikano at isang Pilipina dahil sa paglabag sa batas ukol sa child pornography.
Kinilala ang suspek na isang U.S National na si Joseph John Graham, na naaresto noong Oktubre a-16, 2024 sa Clark International Airport habang naghahanda itong umalis ng bansa.
Mayroon siyang warrant of arrest mula sa Florida dahil sa 55 counts of possession of child sexual abuse and exploitation materials.
Natuklasan ang mga ito sa kanyang telepono matapos ang joint investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) at US Homeland Security Investigations.
Kasalukuyan siyang nasa Bureau of Immigration at naghihintay ng deportasyon.
Sa kasunod na imbestigasyon, natukoy ang isang Pilipina na nagpadala kay Graham ng mga child sexual abuse and exploitation materials.
Nalaman na ang mga bata sa mga materyales ay ang kaniyang sariling mga anak. Naaresto ito noong Pebrero a-11, 2025 sa Bamban, Tarlac, matapos makuhanan ng warrant to search, seize, and examine computer data.
Samantala, mayroon namang nailigtas ang tatlong menor de edad.
Nahaharap ngayon si Graham sa mga kasong paglabag sa Republic Act 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children), Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act), at Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act). Ang kaso, na non-bailable, ay naisampa na sa Department of Justice.
Sa hiwalay na operasyon, tatlong Pilipino rin ang inaresto ng NBI dahil sa online sexual abuse or exploitation of children.
Mayroon ding walong menor de edad na nailigtas. Natuklasan ang child sexual abuse materials at chat logs na nagpapatunay sa pagsasamantala sa mga bata. Naisampa na rin ang kaso laban sa mga suspek.
“Qualified trafficking sa mga menor de edad na mga bata saka violation ng RA 11930 o ‘yung OSAEC po, na-file na sa DOJ ang kaso,” ayon kay Atty. Olga Anguistia-Gonzalez.
“Ang mga bata ay nasa DSWD na ngayon at may counselling na ginagawa, pati rin itong parents na nahuli, may counselling, tinutulungan natin sila na mag-iba ang kanilang pananaw para maayos, kawawa naman ang mga bata,” saad ni Judge Jaime Santiago (Ret.) Director, National Bureau of Investigation