NBI, arestado ang 3 indibidwal sa ilegal na pagkuha ng M/Tug “ASL PROSPER”

NBI, arestado ang 3 indibidwal sa ilegal na pagkuha ng M/Tug “ASL PROSPER”

NOONG Enero 2, 2025, humingi ng tulong ang Hongkong River Engineering Co., Ltd. sa NBI para mabawi ang kanilang barko, ang M/Tug “ASL PROSPER”, na ilegal na kinuha. Ayon sa kumpanya, ang barko ay nakatakdang bumiyahe patungong Navotas matapos bayaran ang lahat ng kinakailangang bayarin sa gobyerno mula sa Sual, Pangasinan.

“Noong Nobyembre 1, sinabi ng Pencon8 na ang aming barko ay inabandona at delikado sa paglalayag. Kaya kinailangan naming magsulat sa Coast Guard at ipakita ang aming mga dokumento para ipakita na nagsampa kami ng reklamo na hindi ito nawawala, inabandona, nasa panganib, o delikado sa paglalayag,” ayon kay Aristotle Alipio, Hongkong River Engineering Co., Ltd.

Sa kabila nito, nagbigay pa rin ng Emergency Salvage Permit ang Sual Pangasinan Station Commander pabor sa PENCON8.

Sinabi din ng NBI noong Disyembre 17, 2024, sinakay nina Rhina I. Follero, Alberto C. Platino, at isang Margie ang M/Tug “ASL PROSPER” at nagbanta sa mga bantay na magsasampa sila ng kaso kung hindi sila papayagan. Dahil sa takot, bumaba ang mga bantay.

Natagpuan ang M/Tug “ASL PROSPER” sa Navotas Fishport Complex Pier 4 noong Enero a-3, 2025. Nalaman na ang M/T MAGILAS, na nagmula sa Sual, Pangasinan, ang may kargang M/T ASL PROSPER.

Nitong hatinggabi ng Enero a-4, 2025, natagpuan ng mga operatiba ng NBI ang M/Tug “ASL PROSPER” na nakatago sa likod ng isang malaking barko, ang SUPER SHUTTLE RORO 12. Tatlong indibidwal, sina Daniel Jr. Luste y Raganas, Eldrine Christopher Lasanas y Maga, at Rene Matados y Dupo, ang nasa loob at hindi nakapagpakita ng anumang dokumento na nagpapatunay sa kanilang karapatan sa barko.

Si Luste ay may koneksyon sa Sealoader Shipping Corporation, hindi sa PENCON8.

“Pagto-tow ang trabaho namin, pero karamihan dito sa Metro Manila. Nagkataon lang na nakuha namin ito sa pagka-charter, hinire ang Pencon8, ginawa rin namin ito dahil may kontrata,” saad ni Daniel Luste, suspect.

“Ang kasong piracy ay non-bailable dahil ang parusa ay habang buhay na pagkabilanggo kung mapatunayang nagkasala,” ayon kay Atty. Joseph Martinez, NBI-NCR.

“Magsasagawa kami ng imbestigasyon para malaman kung sino pa ang maaaring may pananagutan sa pangyayaring ito.  Bakit nangyari ito sa barkong hindi naman inabandona o delikado, bakit nagkaroon ng pagbibigay ng emergency salvage permit?” saad ni Judge Jaime B. Santiago (Ret.), Director, NBI.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter