NBI, wala pang isasampa na kaso laban kay VP Sara kaugnay sa pagbabanta umano nito laban kay Marcos Jr.

NBI, wala pang isasampa na kaso laban kay VP Sara kaugnay sa pagbabanta umano nito laban kay Marcos Jr.

ISINASAPINAL na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang draft ng resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa mga pagbabanta umano ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.

Sa takdang panahon ayon kay NBI Director Jaime Santiago ay isusumite nila ito sa Department of Justice (DOJ).

Pero paglilinaw ni Santiago, wala pa silang isasampa na kaso laban kay VP Sara.

‘’Talagang iniingatan namin na magkamali kami. Kailangan talagang tama,’’ ayon kay Judge Jaime Santiago Director, National Bureau of Investigation.

Paliwanag ni Santiago, ito ay bilang pagtalima sa Memorandum Circular No. 20 ng DOJ.

Ito ay nagtatakda ng panuntunan na ang paghahain ng reklamo sa korte ay hindi lamang dapat nakabase sa probable cause, kundi dapat ding isaalang-alang kung may reasonable certainty of conviction o sapat na ebidensiyang magbibigay ng mataas na posibilidad na mahatulan ang akusado.

Ang layunin ng memorandum circular na ito ay maiwasan ang pagsasampa ng mga kaso na mahina ang ebidensya at walang sapat na basehan para sa conviction.

‘’Kaya pinag-aaralan namin ng mabuti at pagka nakita ng ating mga prosecutor there sa DOJ na hindi namin maacertain na magkakaroon ng conviction, maaari nilang i-dismiss ang kaso or ibalik sa amin pag-aralan muli. Kaya hindi kami basta-basta sampa nang sampa ng kaso or whatever ganoon po. Talagang ingat ingat po ngayon,’’ saad ni Judge Jaime Santiago.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble